Patuloy na nililinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isyu sa payout o pagbabahagi ng mga conditional cash grants sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ilalim ng Regular Conditional Cash Transfer (RCCT) at Modified Conditional Cash Transfer (MCCT) ng nasabing programa.

Ang DSWD ay nakikipagtulungan sa aprubadong bangko ng gobyerno na Land Bank of the Philippines (LBP) upang direktang ipamahagi ang mga nasabing cash grants.

Ang pamamahagi ng grants ay isinasagawa sa pamamagitan ng maraming mga paraan ng distribusyon kabilang ang (1) paggamit ng Cash Card (CC), (2) pagbibigay ng pera Over the Counter (OTC), at (3) mga offsite na distribusyon na isinasagawa ng mga partner conduits o merchants.

Nitong nakaraang taon 2017, matagumpay na naibahagi ang mga cash grants sa pamamagitan ng LBP Cash Cards.

Subalit, ang mga OTC at offsite na payout o distribusyon ay nagkaproblema at hindi naisagawa dahil sa walang “conduits o merchants” na nakasunod sa mga requirements ng Land Bank of the Philippines (LBP) kung kaya’t walang pasado at kwalipikado na maaring makatulong sa pagpayout. Ang LBP ang pangunahing kumukuha ng partner conduits o merchants sa pag-payout sa pamamagitan ng public bidding.

Dahil dito, ang opisina ng DSWD ay naghanap ng mga karagdagang ka-partner na kwalipikado, interesado, at aprubadong mga government depository banks bukod sa LBP, upang maisakatuparan at mapabilis ang pamamahagi ng mga 4Ps conditional cash grants. At kamakailan lang, ang DSWD ay lumagda ng Memorandum of Agreement ka-partner ang Philippine Veterans Bank (PVB).

Noong nakaraang Disyembre 27, 2017, ang 4Ps ay nagsimula nang mag-payout sa pamamagitan ng PVB at kanilang PVB All-in-One Card na maaaring magamit bilang Pantawid ID, PhilHealth ID, at isang regular na cash card para mag-withdraw ng cash sa anumang ATM machine na may BancNet, Megalink, at ExpressNet at sa partner conduit na Palawan Express.

Sa kasalukuyan, ang DSWD regional at national offices ay determinado at patuloy na nakikipag-ugnayan sa PVB upang maipagpatuloy ang payout ngayong Pebrero 2018, sa natitirang 55,023 benepisyaryo ng 4Ps sa probinsya ng Leyte, kabilang ang mga benepisyaryong hindi nakakuha ng kanilang PVB cash cards noong payout sa Tacloban Palo, at Tanauan.

Para sa mga 4Ps beneficiaries galing sa ibang mga probinsya ng Eastern Visayas, ang cash grants ay ipapamahagi Over the Counter (OTC) sa mga Philippine Veterans Bank (PVB) servicing banks at partner conduit nitong PALAWAN EXPRESS. Ang OTC mode of payout ng PVB ay pansamantala lamang habang patuloy na ginagawa ang mga PVB All-in-One Cards, upang mapadali na ang payout sa ibang probinsiya kasama na ang Western Samar, Northern Samar, Eastern Samar, Biliran, at Southern Leyte.

Importanteng tandaan na ang PVB ay may kapasidad na magdistribute ng 2,500-2,600 PVB cash cards lamang kada araw.

Ang grants na matatanggap ng mga benepisyaryo ng 4Ps ay para sa Period 3 (Hunyo-Hulyo), Period 4 (Agosto-Setyembre), at Period 5 (Oktubre-Nobyembre) taong 2017.

“Patuloy kaming nagsusumikap na mapahusay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program upang matiyak ang pagsunod ng mga benepisyaryo sa mga kondisyon ng programa at upang pangasiwaan ng maayos ang pamamahagi ng mga conditional cash grants, lalo na para sa mga pangangailangan ng mga bata. Gayundin, hinihikayat namin ang iba pang mga benepisyaryo na patuloy na makipag-ugnay sa nakatalagang City at Municipal Links para sa kani-kanilang mga payout schedules at iba pang mga katanungan kaugnay sa pagpapatupad ng programa,” paglilinaw ni DSWD Regional Director Restituto Macuto.

Ang 4Ps ay isang programa na patuloy na ipinatutupad ng pambansang pamahalaan na namumuhunan sa mga tao sa pamamagitan ng pagtiyak na ang 0-18 taong gulang na mga bata mula sa mga mahihirap na pamilya base sa talaan ng DSWD Listahanan, ay lalaking may maayos at malusog na pangangatawan at nakakapag-aral.

#DSWDMayMalasakit #DSWDParaSaNakararami