Patuloy na nililinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office VIII ang isyu sa payout o pagbabahagi ng mga conditional cash grants sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ilalim ng Regular Conditional Cash Transfer (RCCT) at Modified Conditional Cash Transfer (MCCT).

Ang DSWD ay nakikipagtulungan sa mga aprubadong bangko ng gobyerno upang direktang ipamahagi ang mga nasabing conditional cash grants sa mga benepisyaryo.

Ang pamamahagi ng grants noong mga nakaraang taon ay isinasagawa sa pamamagitan ng maraming mga paraan ng distribusyon kabilang ang (1) paggamit ng Cash Card (CC), (2) pagbibigay ng pera Over the Counter (OTC), at (3) mga offsite na distribusyon na isinasagawa ng mga partner conduits o merchants.

Noong taong 2017, matagumpay na naibahagi ang mga cash grants sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines (LBP) Cash Cards.

Subalit, ang mga OTC at offsite na payout o distribusyon ay nagkaproblema at hindi naisagawa dahil sa walang “conduits o merchants” na nakasunod sa mga requirements ng Land Bank of the Philippines (LBP) kung kaya’t walang pasado at kwalipikado na maaring makatulong sa pagpayout. Ang LBP ang pangunahing kumukuha ng partner conduits o merchants sa pag-payout sa pamamagitan ng public bidding.

Dahil dito, ang opisina ng DSWD ay naghanap ng mga karagdagang ka-partner na kwalipikado, interesado, at aprubadong mga government depository banks bukod sa LBP, upang maisakatuparan at mapabilis ang pamamahagi ng mga 4Ps conditional cash grants.

At kamakailan lang, ang DSWD ay lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) ka-partner ang Philippine Veterans Bank (PVB) bilang pilot test upang makapagbigay ng grants para sa Period 3 (Hunyo-Hulyo), Period 4 (Agosto-Setyembre), at Period 5 (Oktubre-Nobyembre) taong 2017 sa mga benepisyaryo ng 4Ps sa probinsiya ng Leyte na wala pang LBP cash card.

Noong nakaraang Disyembre 27, 2017, ang 4Ps ay nagsimula nang mag-payout sa pamamagitan ng PVB at kanilang PVB All-in-One Card na maaaring magamit bilang Pantawid ID, PhilHealth ID, at isang regular na cash card para mag-withdraw ng cash sa anumang ATM machine na may BancNet, Megalink, at ExpressNet at sa partner conduit na Palawan Express.

Sa kasalukuyan, ang DSWD regional at national offices ay maigting na nakikipag-ugnayan sa PVB upang maisakatuparan na ang panibagong MOA para naman sa Period 6 (Disyembre 2017- Enero 2018), Period 1 2018 (Pebrero- Marso), at mga susunod pang buwan, para sa mga benepisyaryo ng 4Ps sa probinsiya ng Leyte.

Samantalang ang mga benepisyaryo galing sa probinsiya ng Biliran, Southern Leyte, (Western) Samar, Eastern Samar, at Northern Samar ay magkakaroon na lahat ng LBP cash cards.

Ang 4Ps ay isang programa na patuloy na ipinatutupad ng pambansang pamahalaan na namumuhunan sa mga pamilyang kabilang sa pinakamahihirap na sektor ng lipunan, sa pamamagitan ng pagtiyak na ang 0-18 taong gulang na mga bata mula sa mga mahihirap na pamilya base sa talaan ng DSWD Listahanan, ay lalaking may maayos at malusog na pangangatawan at nakakapag-aral.

“Muli’t muli patuloy kaming nagsusumikap na mapahusay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program upang matiyak ang pagsunod ng mga benepisyaryo sa mga kondisyon ng programa at upang pangasiwaan ng maayos ang pamamahagi ng mga conditional cash grants, lalo na para sa mga pangangailangan ng mga bata. Gayundin, hinihikayat namin ang iba pang mga benepisyaryo na patuloy na makipag-ugnay sa nakatalagang City at Municipal Links para sa kani-kanilang mga payout schedules at iba pang mga katanungan kaugnay sa pagpapatupad ng programa,” paglilinaw ni DSWD Regional Director Restituto Macuto.

#DSWDMayMalasakit #DSWDParaSaNakararami