“Ang pamilya ay pinakamahalagang bahagi ng ating buhay. Ito ang nagdudulot sa atin ng kagalakan. Ito ang nagbibigay sa atin ng lakas at inspirasyon. Ito ang nagbibigay sa atin ng layunin sa buhay, nagtuturo sa ating mangarap at magsumikap,” pagbabahagi ni Regional Director Restituto Macuto.

Sa pagdiriwang ng Pamilyang Pilipino, pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office VIII, sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang Regional Huwarang Pantawid Pamilya Awarding Ceremony at Family Day 2018 kahapon, September 24, 2018 , sa Robinsons North, Tacloban City.

Kaya naman ang DSWD, katuwang ang mga partner beneficiaries at iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, mga civil society organizations, academes, local government units, at marami pang iba, ay nagtutulung-tulungan upang magbigay ng proteksyon sa mga pamilya at magtaguyod sa mga karapatan at kapakanan ng bawat miyembro, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga programa gaya ng DSWD Protective services, Sustainable Livelihood Program (SLP), Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS), at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa nasabing aktibidad, tinalakay ni Protective Services Division Chief Ofelia Pagay ang mga programa at serbisyo para sa mga pamilya, lalo na sa mga pinakamahihirap, ang Sustainable Livelihood Program ni Training Officer Antonette Barlisan, at ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ni Regional Monitoring and Evaluation Officer Leslie Ruiz.

Ang kaganapan ay dinaluhan ng 4Ps Regional Program Coordinator Paula Unay at mga kawani, PIA Assistant Regional Director Alicia Nicart, iba pang media partners, Maasin City Mayor Nacional Mercado na nirepresenta ni City Social Welfare and Development Officer Fe Sta. Cruz, at kilalang banda saTacloban na Scarlet Alley.

Sa dakong huli ng nasabing pagtitipon, binigyang parangal at pagkilala ang mga Huwarang Pantawid Pamilya ng Eastern Visayas na magagandang ehemplo ng pagpapanatili ng matibay na relasyon sa pamilya, nagpapakita ng mga positibong kaugalian ng Pamilyang Pilipino, at may positibong epekto sa komunidad kung saan sila naninirahan.

Sila ang pamilya ni Rodolfo at Yolanda Salas mula Brgy. Cansirong, Maasin City (1st Place) na nakatanggap ng ₱10,000 cash prize; Frederick at Analee Guillart sa Brgy. Haguikhikan, Naval, Biliran (2nd Place) may ₱7,000; Ernesto at Zorrolyn Canales sa Brgy. Poblacion Zone III, Mayorga, Leyte (3rd Prize) may ₱5,000.

Nakatanggap ng ₱2,000 consolation prizes naman ang pamilya nina Willy at Ligaya Abestros mula Brgy. Nenita, Mondragon, Northern Samar, Eldefonso at Jenalyn Cabreza sa Brgy. Nabong, Pinabacdao, Western Samar, Virgilio at Regina Almo mula Brgy. Bobon, Mercedes, Eastern Samar.

Bukod sa cash prizes, silang lahat ay ginawaran ng plaques at certificates of recognition.

Ang mga pamilyang ito ay nangakong maglilingkod bilang ambassadors ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, bilang mga resource persons sa mga Family Development Sessions (FDS) at anumang aktibidad kung saan maaari nilang ibahagi ang kanilang kaalaman at karanasan, at tumulong sa mga pagsisikap ng programa na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap na pamilya at mapalawak ang pagpapahalaga sa edukasyon, kalusugan, at matatag na Pamilya.

Ang 4Ps ay isang programa na nakatutok sa pamumuhunan sa mga tao, lalo na sa mga kabataan at tumitiyak na ang mga ito ay malusog at nag-aaral. Hinahangad ng programang ito na suportahan at tulungang magkaroon ng maayos na pamumuhay ang mga mahihirap na pamilya.

Binati ni DSWD Assistant Regional Director for Operations Marcela Lim ang lahat ng mga pamilya at ang mga kawani ng DSWD para sa matagumpay na selebrasyon para sa pamilyang Pilipino. #DSWDMayMalasakit #DSWDKalingaAtPagmamahal