Kamakailan ay inilunsad ng Department of Social Welfare and Development Field Office VIII Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang kampanyang “Bata Balik Eskwela” sa pangunguna ni Officer-in-Charge Regional Director Yvonne Serrano-Abonales.

Ang 4Ps ay programa ng pambansang pamahalaan na sumusuporta at namumuhunan sa kalusugan at edukasyon ng mahigit 545,953 batang benepisyaryo na may edad 0-18 taong gulang sa buong rehiyon ng Eastern Visayas.

Ibinahagi ni Director Yvonne Serrano-Abonales na layunin ng “Bata Balik Eskwela” na mas paigtingin ang pagpapaalala sa lahat, lalo na sa mga kabataan na kabilang sa 4Ps, ang kahalagahan ng edukasyon upang maiahon nila sa kahirapan ang kanilang pamilya.

Nabatid ng programa na may iilan na batang nahihirapang magpatuloy sa pag-aaral dahil sa iba’t ibang kadahilanan na kailangang tugunan.  

Sa tulong ng “Bata Balik Eskwela”, matutulungan ang mga bata na matukoy ang mga isyu o hadlang sa kanilang pagpasok sa paaralan, maunawaan ang kanilang sitwasyon at mas mahikayat silang bumalik sa pag-aaral, magplano at gumawa ng solusyon upang makabalik, makakuha ng mga angkop na serbisyo at tulong upang maabot ang kanilang potensyal at kapasidad na magkaroon ng mabuting kalidad ng pamumuhay.

Bahagi ng kampanya ang pakikipag-ugnayan ng Social Worker o Municipal o City Link (M/CL) sa bata at kanyang pamilya upang sama-samang makamit ang layuning makapagpatuloy at makapagtapos ang bata sa pag-aaral.

#DSWDKalingaAtPagmamahal #DSWDMayMalasakit