Naghatid ang DSWD Field Office VIII ng tulong pinansyal sa walong pamilya na naapektuhan ng sunog sa Brgy. 62, Tacloban City. Sa ilalim ng Crisis Intervention Section (CIS), naghatid ang kawani ng DSWD ng P5,000 na Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) sa mga nasunugan.

Ayon kay Nanay Brenda, “Natutulog na ako noon, pero nagising ako nang may narinig ako na sumisigaw. Lumabas kayo! May sunog sa likuran niyo! Lumabas ako at nakita ko nga na malaki na ang sunog, lampas na sa bubong. Bumalik ako sa loob at itong bag lang ang nakuha ko, kasi andito ang mga ID ko. Sa sobrang lapit na ng sunog, wala na akong ibang nakuhang damit o mga gamit sa bahay.”

“Nagpapasalamat ako sa DSWD dahil pumunta sila dito at tiningnan an gaming sitwasyon. Salamat sa inyong binigay na P5,000 na AICS,” dagdag ni Nanay Brenda.

Ayon kay Brgy. Chairman Erlindo Solis, nagsimula ang sunog noong Linggo ng gabi. Pitong bahay ang totally damaged, habang isang bahay naman ang partially damaged. Naapula ang sunog pagkatapos ng tatlong oras sa pamamagitan ng pagbabayanihan ng mga residente sa barangay na nagsagawa ng bucket relay at sa pagresponde ng Bureau of Fire Protection.

Samantala, naghatid din ng tulong ang City Social Welfare and Development Office, Office of the City Mayor, Office of Civil Defense, Department of Trade and Industry, National Housing Authority, Presidential Commission on the Urban Poor, at iba pang mga ahensya.


#DSWDMayMalasakit