Ayon sa pinakahuling weather forecast mula sa PAGASA, inaasahang magla-landfall ang Auring sa Caraga Region ngayong Linggo. Bilang paghahanda sa pagdating nitong bagyo, mas pinaigting ng DSWD Eastern Visayas ang produksyon nito ng Family Food Packs (FFPs).

Ayon sa Officer-In-Charge ng Disaster Response and Management Division na si Orville Berino, “Sa ngayon, nasa 8,924 ang ating FFPs at plano nating madagdagan pa ang mga ito, lalo na sa susunod na linggo.” Maliban dito, may nakahandang Non-Food relief items ang ahensya, kabilang ang 3,575 na mga malong, 2,244 kitchen sets, 49 na sleeping kits at 5,000 na hygiene kits.

Isa din sa mga ginagawang paghahanda ng DSWD ay ang prepositioning, o ang pag-imbak ng mga relief items sa mga strategic na lugar bago pa man dumating ang bagyo. Ayon kay Berino, “Nagpadala na tayo ng 200 na FFPs sa Southern Leyte, isa sa mga lugar na posibleng daanan ng Auring. Mayroon din tayong 300 na naka-imbak sa Biliran pero plano din nating dagdagan kasi maari din siyang daanan ng bagyo.” Maliban dito, may naka-imbak din na 500 FFPs sa Allen, at 900 sa Catarman, Northern Samar.

Nililinaw naman ni Berino na sa bawat sakuna, ang unang sumsaklolo ay ang Local Government Units. “Mayroong budget ang bawat LGU upang rumesponde sa sakuna. Subalit, kapag dumating ang panahon na magkulang ang kanilang resources, maari silang humingi ng tulong mula sa DSWD. Ipinapaalam nila kung ano ang kailangan nila, at matapos ng isang mabilis na balidasyon mula sa ating field staff, doon tayo magpapadala. Siyempre, iniisip din natin ang availability ng ating stocks, pati na rin ang allocation natin para sa mga LGUs.”

Sa ngayon, patuloy pa rin ang DSWD sa produksyon ng FFPs.

#DSWDMayMalasakit