Taos-pusong nagpapasalamat ang DSWD Eastern Visayas sa mga boluntir na nag-ambag upang makatulong sa mga naapektuhan ng mga nagdaan na weather disturbances. Bilang pagkilala, binigyang parangal ng ahensya si Conrad Badana, isang boluntir na mahigit 40 oras ang ginugol sa pagrerepack ng mga FFPs.

Kamakailan, naging katuwang ng DSWD Eastern Visayas ang mga boluntir katulad ni Conrad sa produksyon ng mga FFPs. Itong FFPs naman ang siyang ipinadala sa mga munisipyong naapektuhan ng pagbaha at pag-ulan, na humingi ng karagdagang tulong.

Isa sa mga tungkulin ng DSWD bilang pangulo ng Food and Non-Food Item (FNFI) Cluster ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay ang paghahanda nga mga relief goods bago pa man magkaroon ng mga sakuna. Alinsunod sa direktibang ito, layunin ng DSWD na makapaghanda ng 20,000 o higit pang mga Family Food Packs (FFPs).
Upang maabot ang target na ito sa lalong mabilis na panahon, humihingi ng tulong ang DSWD mula sa mga boluntir mula sa iba’t-ibang dibisyon ng ahensya at mula sa iba’t ibang sektor.

Sa pinakahuling tala, kasama ang tulong ng mga boluntir, nakaabot na ang DSWD ng 18,192 na FFPs at patuloy pa ang repacking ngayon hanggang maabot nito ang target na bilang ng FFPs.

#DSWDMayMalasakit