TANAUAN, Leyte – Dalawampung (20) sambahayan ang binigyan ng negosyo package ng Pepsi Cola Tanauan Plant bilang bahagi ng “exit package” sa kanilang pagtatapos bilang Miyembro-benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ipinagkaloob ng Pepsi Cola Tanauan Plant ang negosyo package na nagkakahalaga ng 2,000 pesos sa mga sambahayan na mayroong sari-sari store upang sila ay magkaroon ng dagdag na kita na makakatulong sa kanilang kabuhayan.

Ayon kay Tanauan Mayor Pelagio Tecson, Jr, ito ay bahagi ng pakikipagugnayan ng lokal na pamahalaan sa mga pribadong sector upang tulungan ang mga nagtapos na sambahayan na mapanatili ang kanilang “self-sufficient” level of well-being at sila ay hindi na bumalik pa sa kahirapan.

Matatandaang noong nakaraang Hunyo 4, 2021 ay ginanap ang kauna-unahang 4Ps Pugay-Tagumpay Graduation Ceremony kung saan 200 na sambahayan ang nagtapos bilang Miyembro-benepisyaryo ng programa. Maliban sa Sertipiko ng Pagkilala, sila rin ay ginawaran ng iba’t ibang exit packages kagaya ng livelihood, training, at employment mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.

“Maraming salamat sa Pepsi Cola Tanauan Plant at sa Tanauan LGU sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa 4Ps upang patatagin ang implementasyon ng programa. Ito ay patunay na sa ating sama-samang pagkilos, malaki ang magagawa nito para sa ating mga benepisyaryo”, ayon kay Paula Unay, Division Chief ng Pantawid Pamilya.

Ang 4Ps ay isang pambansang programa ng pamahalaan na naglalayong iangat ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap na sambahayan. Ang mga benepisyaryo ay may karapatang makatanggap ng conditional cash grants upang makatulong sa pagppaunlad sa kondisyon ng kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang edad 0-18 taong gulang. #