Nagkaisa ang DSWD Eastern Visayas at ang mga miyembro ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa isinagawang Coastal Cleanup Drive sa Tacloban City kamakailan. Sa pangunguna ng DSWD, nagsama-sama ang iba’t ibang ahensya katulad ng City Local Government Unit, City Social Welfare and Development Office, Tacloban Rescue Unit (TACRU), City Disaster Risk Reduction and Management Office upang linisin ang baybayin ng Cancabato Bay.

Nakibahagi din ang mga kawani ng DSWD mula sa iba’t-ibang programa, katulad ng Disaster Response and Management Division, Policy and Plans Division, Administrative Division, Financial Management Division, Human Resource Management and Development Division, Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Kalahi-CIDSS, Unconditional Cash Transfer, Crisis Intervention Section at iba pa.

Bahagi ang ginanap na Coastal Cleanup sa paggunita ng DSWD ng National Disaster Resilience Month, na may temang “Tamang Pamamahala’t Kahandaan, Kaalaman, at Pagtutulungan, sa Sakuna at Pandemya’y Kalasag ng Bayan.” Tugma sa temang ito, isa sa mga adbokasiyang isinusulong ng DSWD ay ang paghahanda sa mga sakuna, kung saan kabilang ang coastal clean-up at ang pagtanim ng mga mangrove trees, upang mabawasan ang epekto ng mga sakuna sa mga coastal areas.

#DSWDMayMalasakit