Bagong buhay at pag-asa para kay Jackson (hindi niya tunay na pangalan), isang discharged resident ng Regional Rehabilitation Center for Youth.

“Ang buhay ko dati parang nasa loob ng isang tunnel. Karamihan ng tunnel nakikita natin ang liwanag sa dulo. Pero yung sa akin, walang liwanag, tapos walang patutunguhan. Maraming bagay doon na pwedeng makapahamak sa akin.

Kaya nagpapasalamat ako sa Panginoon, sa DSWD, sa mga staff ng Regional Rehabilitation Center for Youth, pati ang mga agencies at mga stakeholders na tumulong sa aking rehabilitation. Pinaramdam niyo sa akin na may halaga pa ang buhay ko.

Dati pangarap ko lang ito. Dati, nakikita ko yung iba na nagdi-discharge conference. Tinanatong ko sarili ko, ano kaya ang pakiramdam niyan?

Totoo ba ito? Sa tagal ng panahon, sa tagal ng paghihintay, totoo kaya ito? Hanggang ngayon, di pa rin ako makapaniwala na lalabas na kami, na matatapos na ang aming rehabilitation.

Kaya laking pasasalamat ko sa mga taga RRCY, lalo na sa social worker ko. Strikto siya, pero mabait. Nagpapasalamat ako sa kanyang pagiging strikto kasi marami akong natutunan.

Masaya ako, at kinakabahan. Dito kasi sa RRCY, kilala ko na ang lahat, alam ko na mga ugali nila, pero sa labas, bago at mas marami pa ang makikilala ko. Pero, with the help ng RRCY, kung paano kami nila hinubog, kung papaano nila kami tinuruan, magagamit namin iyon sa labas. Maipapangako ko na lahat ng magagandang aral na tinuro sa amin sa RRCY, gagamitin ko at di ko sasayangin.”

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD