Para kay Bryant at kay Jackson,* ang araw na ito ay ang katuparan ng kanilang pangarap.

Sila ay dalawa sa mga children in conflict with the law (CICL) na ini-refer sa Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) ng DSWD Eastern Visayas. Matapos ng ilang taon sa kustodiya ng RRCY, sila ngayon ay idinischarge na.

“Dati pangarap ko lang ito. Dati, nakikita ko yung iba na nagdi-discharge conference. Tinanatong ko sarili ko, ano kaya ang pakiramdam niyan? Totoo ba ito? Sa tagal ng panahon, sa tagal ng paghihintay, totoo kaya ito? Hanggang ngayon, di pa rin ako makapaniwala na lalabas na kami, na tapos na ang aming rehabilitation,” sabi ni Jackson.

Ayon kay Edna Samson, social worker at case manager ng dalawa, handang-handa na silang bumalik sa lipunan. Aniya, “bahagi ng trabaho namin ang tumulong sa kanila sa mga rehabilitation programs habang nandito sila sa Center. Tiwala akong makapagsasabi na nagbago na sila at handa na silang ma-reintegrate sa lipunan.”

“Mature mag-isip at responsable ang dalawang ito. Sila ang tumatayong mga kuya, lalo na sa mga bagong admission. Sa kanilang paninirahan dito sa Center, nahubog na ang kanilang personality at behavior. Ginawa nilang positibo ang kanilang paninirahan dito, at marami na silang natutunang mga skills. Natutunan nila ang hollow block making, masonry, carpentry, welding at metal fabrication, painting, silkscreen printing, skirting, cooking at baking, bag making, at slippers making. Nagpatuloy sila sa kanilang pag-aaral. Sa katunayan, graduating students na sila sa college. Ang isa nga may balak mag-aral na abogasya.”

Laking pasasalamat naman ni Bryant sa panibagong yugto ng kanyang buhay. “Nagpapasalamat kami sa Panginoon. May magandang plano pa talaga siya sa buhay ko, mas maganda sa mga plano ko. Kahit nagkasala ako, di niya ako pinabayaan. Lagi siyang andyan, laging gumagabay, laging gumagawa ng paraan, kahit di ko makita.”

“Syempre, sa Center Head ng RRCY, ma’am Georgina Bulasa, at sa aking mga social worker, thank you kahit pasaway ako. Salamat kasi nandyan kayo palagi sa mga panahong mahirap at madilim. Sa mga panahong parang walang pag-asa, sa mga panahong di ko alam kung ano ang gagawin ko, andyan kayo,” aniya.

Dagdag pa ni Jackson, “Ang buhay ko dati parang nasa loob ng isang tunnel. Karamihan ng tunnel nakikita natin ang liwanag sa dulo. Pero yung sa akin, walang liwanag, tapos walang patutunguhan. Maraming bagay doon na pwedeng makapahamak sa akin.”

“Kaya nagpapasalamat ako sa Panginoon, sa DSWD, sa mga staff ng Regional Rehabilitation Center for Youth, pati ang mga agencies at mga stakeholders na tumulong sa aking rehabilitation. Pinaramdam niyo sa akin na may halaga pa ang buhay ko.”

“Maipapangako ko na lahat ng magagandang aral na tinuro niyo sa amin dito sa RRCY, gagamitin ko at di ko sasayangin.”

Sa kanilang discharge, pinabaunan sila ng DSWD ng groceries at financial assistance para maipagpatuloy at matapos nila ang kanilang pag-aaral. Sa panibagong yugto ng kanilang buhay, nananatili ang DSWD na kaakibat at katuwang sa kanilang paglago.

*binago ang mga pangalan para protektahan ang kanilang pagkakakilanlan

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD