Calbayog City– Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office VIII ay nag-umpisa nang mamahagi ng karagdagang P600.00 para sa rice subsidy kada buwan. Ito ay ipamimigay sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) simula ngayong Marso kasabay ng pagbibigay ng regular na cash grants.
“Kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte noong kanyang unang State of the Nation Address (SONA) nung Hunyo 2016, ang rice subsidy ay isa sa mga paraan upang magbigay pag-asa at matugunan ang problema sa kagutuman. Ang Presidente ay nais na ang mga mahihirap na kabahayan ay magagawang kumain araw-araw,” sabi ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo.
Ang sambahayang aktibo at nakasunod sa anuman sa kondisyon ng 4Ps sa edukasyon o kalusugan ang siya lamang maaring makatanggap ng rice subsidy.
Hinikayat ni Regional Director Restituto Macuto ang mga 4Ps beneficiaries at ang lahat sa buong kapuluan na makibahagi upang matiyak na ang karagdagang cash grants ay magamit para sa pagbili ng bigas.
Mahigit 283,960 kabahayan ang inaasahan na makatanggap ng karagdagang grant dito sa Region VIII Eastern Visayas.
“Dako ura-ura an bulig san programa sa pagkaon, panlawas, ngan pageskwela san akon mga bata. Dugang pa han cash grants, nahimangno kami san damo nga hibaro through Family Development Sessions (FDS). Pinaka-importante sini na mga hibaro an pagtimangno san pamilya ngan mga katungod san kabataan,” sabi pa ni Maria Teresa Dealagdon, 4Ps beneficiary mula Brgy. Hamorawon, may anim na anak.
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa rice subsidy, maaari kayong makipag-ugnayan sa inyong mga Municipal o City Link. Maari din kayong magsadya o bumisita sa pinakamalapit na tanggapan ng DSWD.
Para sa mga tanong o reklamo, mangyaring mag-text sa 0918-9122813 o 3456 at sundin ang sumusunod na format: DSWD (space) pangalan (space) mensahe.
Maari ring mag-text o tumawag sa 0995-3525131 o magpadala ng email sa 4psreklamo@gmail.com, at mensahe sa Facebook @ fb.me/Tanggapan.ng.Reklamo
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay isang hakbang ng pambansang pamahalaan para sa pagpapabuti ng kalagayang pantao ng ating mga kababayan. Nagbibigay ito ng kondisyonal na tulong-pinansiyal para sa pinakamahihirap na Pilipino upang pabutihin ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18 taong gulang.