Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office VIII sa pangunguna ni Policy and Plans Division Chief Yvonne Serrano-Abonales kamakailan ay nagsagawa ng Regional Inter-Agency Committee (RIAC) Meeting cum Field Visit sa Calbayog City, kasama ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at civil society organizations.
Ang nasabing pagtitipon ay naglayong ibahagi ang mga updates sa iba’t ibang programa at serbisyo ng DSWD, lalo na ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kaakibat ang Sustainable Livelihood Program (SLP), at Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive Integrated Delivery of Social Service (KALAHI-CIDSS), at sa mga commitments ng ibang ahensiya sa pagpapatupad sa mga programa at serbisyong ito.
Natalakay din sa nasabing RIAC Meeting ang Sustainable Community Rice Production para 4Ps beneficiaries, Family Development Sessions, at Social Marketing and Advocacy initiatives ng departamento.
Sa ikalawang araw, bumisita ang mga miyembro ng RIAC sa communal garden ng 4Ps beneficiaries, pasilidad para sa edukasyon at pang-kalusugan, at sa payout ng conditional cash grants, upang personal na makita at masuri ang epekto ng mga programa at makapagbigay ng kaukulang rekomendasyon upang mas mapabuti pa ang pagpapatupad sa mga ito.
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay isang hakbang ng pambansang pamahalaan para sa pagpapabuti ng kalagayang pantao ng ating mga kababayan. Nagbibigay ito ng kondisyonal na tulong-pinansiyal para sa pinakamahihirap na Pilipino upang pabutihin ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18 taong gulang. Kailangang matupad ng mga pamilya ang mga kondisyon ng pamahalaan upang maibigay sa kanila ang tulong-pinansiyal. Halaw ito sa programang Conditional Cash Transfer (CCT) ng mga bansa sa Latin Amerika at Aprika, na naialpas sa kahirapan ang milyon-milyong tao sa buong mundo.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang punong ahensiya ng pamahalaan na namamahala sa 4Ps.