Katuwang ang Philippine National Police, nagpadala kamakailan ang DSWD Eastern Visayas ng 600 na Family Food Packs (FFPs) sa warehouse ng Office of Civil Defense (OCD) sa Allen, Northern Samar.
Bahagi ito ng istratehiya ng DSWD na tinatawag na prepositioning, o ang pag-iimbak ng mga FFPs sa mga strategic na lugar, bago pa man magkaroon ng bagyo o ibang kalamidad.
Sa kasalukuyan, may pitong prepositioning hubs ang DSWD, resulta sa pakikipag-ugnayan ng ahensya sa iba’t-ibang mga partners. Kasama dito ang mga pasilidad ng Eastern Samar State University sa Borongan City at Can-avid sa Eastern Samar, isang Army barracks sa Camp Lukban sa Catbalogan City, Samar, ang OCD warehouse sa Allen, at ang pasilidad ng University of Eastern Philippines sa Catarman, Northern Samar at ang mga Provincial Operations Offices ng DSWD sa Naval, Biliran at Maasin City.
Ayon kay DSWD OIC Regional Director Grace Subong, “dahil sa prepositioning, magiging mas mabilis ang pagresponde natin sa mga sakuna. Habang dinadala natin ang ating mga FFPs mula sa ating regional warehouse sa Palo, Leyte, maari nating gamitin itong mga naka-preposition bilang paunang responde sa mga LGU na naapektuhan ng bagyo.”
Napatunayan naman ang pagiging epektibo ng estratehiyang ito sa kasalukuyang relief operations noong Bagyong Bising, kung saan nagamit ang mga naka-preposition na FFPs sa Eastern at Northern Samar. Sa pinakahuling tala, umabot na sa 15,627 na FFPs ang naipamahagi ng DSWD sa mga LGUs. Alma Ballesteros
#DSWDMayMalasakit
#OneDSWD







