
“Double time tayo ngayon!” Ito ang pahayag ni DSWD Disaster Response Management Division (DRMD) Logistics focal na si Rey Peñaranda ukol sa paghahanda ng ahensya sa bagyong Dante.
Ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA, huling namataan ang bagyong Dante 515 na kilometro sa silangan ng Davao City. Inaasahang dadaan ito sa Rehiyon VIII sa loob ng 36 na oras.
Bilang paghahanda dito, patuloy ang DSWD Eastern Visayas sa pag-prepositioning, o ang pag-imbak ng mga Family Food Packs (FFPs) at iba pang mga relief items sa mga strategic na lugar bago pa man dumating ang bagyo.
Nakapag-preposition na ang DSWD ng mga FFPs sa Northern at Eastern Samar, dalawa sa mga probinsya ng Rehiyon VIII na madalas maapektuhan ng bagyo. Kabilang sa mga naihanda ng DSWD ang 1,615 na FFPs sa Catarman, 600 sa Allen, Northern Samar at 1,100 sa Can-avid, Eastern Samar. Maliban dito, mayroon ding 5,290 na FFPs sa main warehouse ng DSWD sa Regional Resource Operations Center (RROC) sa Palo, Leyte, 400 sa Catbalogan City, Samar, 100 sa Biliran, 200 sa Southern Leyte at 1,504 mula sa Visayas Disaster Resource Center (VDRC) sa Cebu. Sa kabuuan, nasa 10,809 ang bilang ng mga nakahandang FFPs ng DSWD sa buong rehiyon.
Patuloy naman ang produksyon sa RROC para sa karagdagang FFP. Ayon kay Peñaranda, planong kumuha ng DSWD ng 1,200 na bags ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) sa lalong madaling panahon upang makagawa na mas maraming FFP.
Nagpapasalamat naman ang DSWD Eastern Visayas sa mga ahensya na naging katuwang nito sa pagprepositioning, kasama ang pamunuan ng University of Eastern Philippines at Eastern Samar State University, ang Office of Civil Defense at ang Armed Forces of the Philippines.
#DSWDMayMalasakit