Binigyang pugay ang mga sambahayan na nagtapos bilang miyembro-benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa ginanap na kauna-unahang 4Ps Pugay Tagumpay Graduation Ceremony sa Silago, Southern Leyte.

Ang mga nagtapos na sambahayan ay nabibilang sa Level 3 o “Self-Sufficient” na mga benepisyaryong may kakayanang tugunan ang kanilang pangunahing pangagailangan  kagaya ng pagkain, edukasyon, tirahan, pananamit at iba.  Sila rin ay meron ng sapat ng kita at kakayanan upang matugunan ang kanilang pangangailangan.

Ginawaran ng Sertipiko ng Pagkilala ang mga nagtapos na sambahayan kasama ang exit packages na inihanda ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang National Agencies. Ginawaran din ng Certificates of Appreciation ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno sa kanilang kontribusyon sa Pantawid Pamilya lalong lalo na ang kanilang mga programa at serbiyso na nakatulong sa mga nagtapos na sambahayan.

Sa kanyang mensahe ay sinabi Mayor Pacita Almine na ang lokal ng pamahalaan ng Silago ay malugod na tinatanggap ang mga nagtapos at magtatapos pa na sambahayan sapagkat mayroong mga nakalatag na programa para sila ay hindi na bumalik pa sa kahirapan. Pinasalamatan din niya ang mga sambahayan sa kanilang pagpupursigi upang makatawid sa kahirapan.

“Makakasa kayo na ang pamahalaang local ng Silago laging handang tumulong sa inyo” dagdag pa ni Mayor Almine.

Nagpaabot naman ng kanyang pagbati si Dir. Grace Subong sa mga nagtapos na sambahayan at hinikayat niya ang mga ito na patuloy na makipagtulungan sa programa at sa kanilang kumonidad.

“Magsilbi sana ang araw na ito na inspirasyon at hamon sa tuloy-tuloy na pagtatawid sa ating mahihirap na kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga programa at serbisyong hindi lamang magbibigay ng karagdagang kita kung hindi sapat na kaalaman at katatagan na suungin ang mga hamon ng buhay” pahayag ni Dir. Subong.

Ayon naman sa MSWDO na si Chrisa Gerong, kahit kailan ay hindi tatanggihan ng lokal na pamahalaan ang mga mahihirap na sambahayan sa oras ng kanilang pangangailangan.

Ang 4Ps ay isang pambansang programa ng pamahalaan na naglalayong iangat ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap na sambahayan. Ang mga benepisyaryo ay may karapatang makatanggap ng conditional cash grants upang makatulong sa pagppaunlad sa kondisyon ng kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang edad 0-18 taong gulang.