Nagsagawa ng meeting ang mga ahensyang miyembro ng Disaster Response Cluster ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) upang talakayin ang gawain at tungkulin ng bawat ahensya sa panahon ng sakuna.

Sa pangunguna ng DSWD, bilang lead agency ng nasabing cluster, dumalo sa pagpupulong ang iba’t-ibang ahensya katulad ng Department of Interior and Local Government, Philippine National Police, National Food Authority, Philippine Red Cross, at ang National Nutrition Council, atbp.

Binigyang diin ng DSWD ang papel nito sa augmentation, o pagtulong sa mga nagrerequest na Local Government Units. Ayon sa Republic Act 7160, o ang Local Government Code, ang lokal na pamahalaan ang unang rumeresponde sa mga sakuna. Maari namang magpatulong ang mga LGU sa DSWD kapag kailangan ng dagdag na tauhan o relief items.

Kasama sa Technical Assistance na maaring ibahagi ng DSWD sa mga LGU kapag may sakuna ay ang relief augmentation, o ang pagrerelease ng Family Food Packs (FFPs) sa mga nag-rerequest na LGU, ang IDP Protection, o ang pagsisigurado na protektado ang mga karapatan ng mga Internally Displaced Persons, o mga taong lumisan sa kanilang mga tahanan dahil sa bagyo, at ang Camp Coordination and Camp Management, kung saan tinutulungan ng ahensya ang LGU kung papaano magpalakad ng mga evacuation center.

Patuloy naman ang DSWD Eastern Visayas sa pakikipag-ugnayan sa mga LGUs ukol sa epekto ng bagyong Jolina sa Rehiyon. Nagpapatuloy din ang produksyon ng FFPs bilang paghahanda sa mga LGU na maaring magrequest nito. Sa pinakahuling tala, mayroong 10,825 na FFPs na nakaimbak ang DSWD sa iba’t-ibang strategic na lokasyon sa buong Rehiyon.

#DSWDMayMalasakit