Katuwang ang lokal na pamahalaan ng Burauen, namahagi kamakailan ang DSWD Eastern Visayas ng Family Food Packs para sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Jolina.

Sa pangunguna ni Leyte 1 Social Welfare And Development Team (SWADT) Leader Raquel Bateo, nakapamahagi ang DSWD ng 662 FFPs sa anim na barangay sa nasabing munisipyo. Kabilang dito ang 138 FFPs na ipinamahagi sa Brgy. Roxas, 103 sa Patag, 120 sa Calao, 50 sa Damuloan, 74 sa Buenavista at 177 sa Villa Aurora. Nandoon din sa distribusyon ang ilang opisyal ng Local Government Unit, kasama sina Mayor Juanito E. Renomeron, Vice Mayor Noel P. Albino, ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, ang Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) at ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO).

Nagpapatuloy naman ang DSWD sa pag-release ng FFPs para sa mga munisipyong nag-request ng relief items mula sa ahensya. Sa pinakahuling tala, nakapag-release na ang DSWD ng 9,908 na FFPs sa 12 na munisipyo sa buong Rehiyon. Umabot na sa P4,773,299.96 ang halaga nitong mga FFPs.

Patuloy na ipinapaalala ng DSWD na ayon sa Republic Act 10121, ang LGU ang unang responder tuwing may sakuna. Maaring magpadala ang DSWD ng FFPs kapag mag-request ang LGU.

#DSWDMayMalasakit

photo credits Ian Lacdao