Taong 2022, isa ang Pamilya Ortecio ng Mondragon Northern Samar na nag-graduate o nag-exit mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) . Para sa mag-asawang Pablo at Susan, naging malaki ang tulong ng programa upang maiangat ang estado ng kanilang pamumuhay.

Pagsasaka ang naging pangunahing pinagkikitaan ng pamilya. Pinapasok din ni Pablo ang pagiging karpintero upang mayroon ng dagdag kita. Si Susan naman kung minsan ay nagtitinda ng mga pagkain at abala sa gardening upang matulungan ang asawa sa mga araw-araw nilang pangangailangan. Ngunit kahit anong pagsisikap, sila ay naghihirap pa rin.

Naibahagi ni Susan “Napakahirap ng walang pinagkikitaan, kahit gusto mong ibigay ang pangangailangan ng bata lalo na sa pagkain ay hindi mo magawa dahil wala kang pera, masakit sa kalooban ko pero wala akong magawa”.

Taong 2008, naging 4Ps beneficiary ang Pamilya Ortecio. Naramdaman ng pamilya na ang Programa ang tutulong sa kanila upang makaahon mula sa kahirapan.

Ginamit ni Susan ang cash grant ng maayos. Inuna nila ang pangangailangan ng kanilang mga anak partikular na sap ag-aaral ng kanilang dalawang anak. Kung mayroong extra ay kanila itong itinatabi bilang savings sa panahon ng emergency at para na rin sa kanilang puhunan para sa pagpapatayo ng sari-sari store.

Ibinahagi rin ni Susan na marami siyang natutunan mula sa Focus Development Sessions na kanyang nai-apply sa pagpapabuti ng kanyang pamilya. Natutunan niya ang family relationship, livelihood, financial literacy at pagiging self-reliant.

Naging mapalad din ang Pamilya Ortecio na makapag-avail ng capital seeds mula sa Dunganon microfinance at employment facilitation.

Dahil sa kanilang patuloy na pagsusumikap at alalay ng Pantawid Pamilya Pilipino Program, napagtapos ng mag-asawang Pablo at Susan Ortecio ang kanilang panganay na anak si Evelyn mula sa kolehiyo samantala ang kanyang bunsong anak na si Maricel ay nakapagtapos ng senior highschool. Sa kasalukuyan, isang private tutor si Evelyn.

Mayroon na ring sari-sari store ang Pamilya na napagkukunan nila ng araw-araw na kita. Maituturing ng pamilya na kaya na nilang tumayo sa sariling mga paa kung kaya’t masaya silang nag-graduate mula sa programa.

Ang DSWD ay nagpapatupad ng graduation at exit procedures sa ilalim ng Convergence Framework at ng 4Ps Kilos Unlad framework na naka-angkla sa DSWD Social Case Management Strategy. Bago mag-graduate ang Pantawid household-beneficiaries, sila ay dumaan sa assessment at nasuri na sila ay napabilang sa Level 3 o “Self-Sufficient” na mga benepisyaryong may kakayanang tugunan ang kanilang pangunahing pangagailangan kagaya ng pagkain, edukasyon, tirahan, pananamit at iba.