Pormal na ibinahagi ng DSWD Field Office VIII ang electronic copy ng Listahanan 3 database, ang pinakabagong talaan ng pamilyang nangangailangan, sa lokal na pamahalaan ng Javier, Leyte noong ika-30 ng Mayo, 2023.
Sa ngalan ni Regional Director Grace Subong, pinangunahan ni Regional Field Coordinator (RFC) Leizel Astorga at Regional Information Technology Officer (RITO) Romart So ng Listahanan Field Office VIII ang pormal na pagbahagi ng Listahanan 3 database sa Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) ng Javier Leyte na si Olivia Mabanto. Naroon din sa aktibidad ang Information Technology Officer (ITO) na nagsisilbing Data Protection Officer (DPO) din ng munisipyo ng Javier, Leyte na si Michael Pareja.
Laman ng naturang database ang mga impormasyon ng sambahayan ng Javier, Leyte kagaya na lamang ng mga pangunahing personal na impormasyon ng mga miyembro ng sambahayan, edukasyon, trabaho o pinagmumulan ng kita, kondisyon ng bahay at marami pang iba. Ang mga datos na ito ay maaring gamitin ng lokal na pamahalaan ng Javier, Leyte upang magsilbing basehan sa pagpili nila ng mga karapat-dapat na maging benepisyaryo ng mga programa at serbisyong panlipunan na naglalayong maiangat ang pamumuhay ng mga mahihirap.
Ang Listahanan o National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) ay isang talaan o information management system na tumutukoy kung sino at saan matatagpuan ang mga mahihirap na sambahayan sa buong bansa.
Layunin ng Listahanan na magkaroon ng tama at mapagkakatiwalaang talaan ng mga mahihirap na sambahayan para maiwasang mapasama ang mga indibidwal o pamilyang may kakayahan sa mga programa at serbisyong para lamang sa mga lubos na nangangailangan.
Para sa mga lokal na pamahalaan, publiko at pribadong mga ahensya sa Rehiyong Otso na nagpapatupad ng mga serbisyong panlipunan at nagnanais magkaroon ng access sa pinakabagong talaan ng pamilyang nangangailangan, makipag ugnayan lamang sa National Household Targeting Section ng DSWD Field Office VIII sa pamamagitan ng email na ito: nhts.fo8@dswd.gov.ph o di kaya ay bumisita sa opisina ng National Household Targeting Section ng DSWD Field Office VIII na matatagpuan sa Government Center, Candahug, Palo, Leyte.