Patuloy sa pagbahagi ng pinakabagong talaan ng pamilyang nangangailangan o Listahanan 3 database ang DSWD Field Office VIII.
Nagkaroon ng paglagda ng Data Sharing Agreement at pagbahagi ng nasabing database sa lokal na pamahalaan ng Jaro, Leyte noong ika-2 ng Junyo, 2023.
Pormal na ibinigay ni Regional Field Coordinator (RFC) Leizel Astorga at Regional Information Technology Officer (RITO) Romart So ang electronic copy ng Listahanan 3 database sa Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) ng Jaro, Leyte na si Rita E. Arañez, Data Protection Officer (DPO) na si Jay Marie S. Añover at Municipal Accountant na si Judy Parado.
Sa 9,755 na sambahayan na na-assess ng Listahanan sa bayan ng Jaro, Leyte, 4,678 na sambahayan o katumbas ng 26,252 na mga indibidwal ang natukoy ng Listahanan na mahirap.
Ang mga datos na nilalaman ng Listahanan 3 database ay maaring gamitin ng lokal na pamahalaan ng Jaro, Leyte upang magsilbing basehan sa pagpili nila ng mga karapat-dapat na maging benepisyaryo ng mga programa at serbisyong panlipunan na naglalayong maiangat ang pamumuhay ng mga mahihirap.
Para sa taong ito, naipamahagi na ang Listahanan 3 database sa lokal na pamahaalan ng Julita, Leyte, Javier, Leyte at Sustainable Livelihood Program ng DSWD Field Office VIII.
Inaasahan ng ahensya na mapapalawig pa ang paggamit ng Listahanan 3 database sa rehiyon.
Ang Listahanan o National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) ay isang talaan o information management system na tumutukoy kung sino at saan matatagpuan ang mga mahihirap na sambahayan sa buong bansa.
Para sa mga lokal na pamahalaan, publiko at pribadong mga ahensya sa Rehiyong Otso na nagpapatupad ng mga serbisyong panlipunan at nagnanais magkaroon ng access sa pinakabagong talaan ng pamilyang nangangailangan, makipag ugnayan lamang sa National Household Targeting Section ng DSWD Field Office VIII sa pamamagitan ng email na ito: nhts.fo8@dswd.gov.ph o di kaya ay bumisita sa opisina ng National Household Targeting Section ng DSWD Field Office VIII na matatagpuan sa Government Center, Candahug, Palo, Leyte.