Kinilala ang DSWD Field Office VIII Home For Girls (HFG) bilang isang Center For Excellence matapos nitong makamit ang Level 3 Accreditation. Iginawad ng Standards Bureau ng DSWD Central Office ang nasabing accreditation matapos makapasa sa national standards ang FO8 sa limang work areas – Administration and Organization, Program Management, Case Management, Helping Strategies and Interventions, at ang Facility Management.
Malaki ang maitutulong ng accreditation na ito sa mga kliyente ng HFG. Ayon kay HFG Center Head Delia Aguirre, “Hindi lang values at good grooming ang tinuturo natin dito sa HFG. Katuwang ang mga partners natin, katulad ng TESDA at mga non-government organizations, tinuturuan din natin ang ating mga residents ng basic life skills at mga income-generating projects at activities. Nagkaroon na tayo ng training para sa food preparation, at basic haircutting. Dahil sa accreditation na ito, inaasahan nating madadagdagan pa itong mga training. Dahil dito, magiging mas handa ang ating mga residents na mag-reintegrate sa komunidad. Makakatulong din ang accreditation na ito sa ating mga staff, mga houseparents, mga social workers, pati ang ating mga job order. Magkakaroon din ng dagdag na trainings para sa kanila.”
Patuloy namang sinisigurado ng DSWD na patuloy ang pagbibigay nito ng dekalidad na serbisyo. Dagdag ni Aguirre, “nasa pinakamataas na level of standards na tayo. Kaya dapat nasu-sustain natin ito. Dapat i-maintain natin ang ating facility, ang ating mga training sa mga staff, at ang ating compliance sa limang work areas.”
Isa ang HFG sa mga Centers and Residential Care Facilities ng DSWD dito sa Rehiyon 8. Nangangalaga ang HFG sa mga batang babae na edad 18 pababa na naging biktima ng pisikal o sekswal na pang-aabuso, illegal recruitment, at iba pang mga traumatic na pangyayari. Layunin ng HFG na mapagtagumpayan ng mga batang ito ang trauma sa pamamagitan ng regular counseling, group work sessions at iba pang mga therapeutic na mga aktibidad.