Pormal na ibinahagi ng DSWD Field Office VIII ang electronic copy ng Listahanan 3 database o ang pinakabagong talaan ng pamilyang nangangailangan, sa Probinsya ng Western Samar noong ika-20 ng Hunyo, 2024.

Ipinagkaloob nina Regional Information Technology Officer (RITO) Romart P. So at Project Development Officer I (PDO I) Paolo P. Camulo ng Listahanan Field Office VIII ang Listahanan 3 database sa Provincial Social Welfare and Development Officer (PSWDO) ng Western Samar na si Alma A. Austero RSW,MPM. Nakiisa din sa aktibidad sina Marissa S. Mabingnay, OIC-Provincial Administrator of Provincial Administrative Office, at Norma C. Jatucan, Administrative Aide VI of Provincial Planning and Development Office.

Laman ng Listahanan 3 database ang mga impormasyon ng sambahayan ng Probinsya ng Western Samar kagaya na lamang ng mga pangunahing personal na impormasyon ng mga miyembro ng sambahayan, edukasyon, trabaho o pinagmumulan ng kita, kondisyon ng bahay at marami pang iba. Ang mga datos na ito ay maaring gamitin ng probinsya ng Western Samar upang magsilbing basehan sa pagpili ng mga karapat-dapat na maging benepisyaryo ng mga programa at serbisyong panlipunan na naglalayong maiangat ang pamumuhay ng mga mahihirap.

Inaasahan ng ahensya na mapapalawig pa ang paggamit ng Listahanan 3 database sa rehiyon lalo na at patuloy na isinasagawa ng ahensya ang Listahanan Consultation Dialogues para hikayatin ang mga lokal na pamahalaan, pampubliko at pribadong ahensya na gamitin ang pinakabagong talaan ng pamilyang nangangailangan.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#bawatbahaymagkakasamasakaunlaran