Pagtatanim ng kamoteng kahoy: Isa sa mga sagot sa panahon ng tagtuyot
Sa ilalim ng Project LAWA at BINHI ng Department of Social Welfare and Development, nakapagtanim ang mga benepisyaryo mula sa Brgy. San Antonio, Gamay, Northern Samar ng 500 tangkay ng kamoteng kahoy sa isang hektaryang lupa, simula noong Hunyo. Inaasahan itong maani sa loob ng 6-8 buwan. Isa sa mga layunin ng komunidad ay maging pangunahing suplayer ng kamoteng kahoy sa buong Northern Samar at lalo pang palaguin ang industriya nito.
Ngunit ano nga ba ang mga kabutihang dulot ng pagtatanim ng kamoteng kahoy o “cassava?”
1. Ang kamoteng kahoy, o “cassava” sa Ingles, ay pangatlong pinakamalaking pinagkukunan ng carbohydrates sa mundo, kasunod ng bigas at trigo.
2. Matibay ito sa tagtuyot, hindi madaling tamaan ng peste, at tumutubo kahit sa di kanais-nais na kondisyon ng lupa.
3. Bagama’t hindi ito ligtas kainin ng hilaw, napatunayan ang kahalagahan nito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa panahon ng pananakop ng Hapon sa Singapore, kung saan napilitan ang mga tao na magtanim ng root crops tulad ng cassava at kamote bilang pamalit sa bigas.
Ang mga naitalang benepisyo ay ayon sa Encyclopedia Britannica. Patunay ito na sa panahon ng tagtuyot at taggutom, may mapagkukunan ng pagkain. Isa ito sa mga pangunahing dahilan kung bakit may Project LAWA at BINHI.