BASAHIN: Ito ang pahayag ni Anna, isang survivor ng Violence Against Women na kasalukuyang nasa pangangalaga ng Haven for Women (HFW), isa sa mga Centers and Residential Care Facilities (CRCFs) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 8.
“Nagdesisyon ako na pumunta sa temporary shelter, sa Haven For Women. Noong unang araw ko doon, wala akong magawa kundi umiyak dahil sa pangungulila. Kaya nagpapasalamat ako sa staff at mga houseparent na nag-comfort sa akin. Di nila ako pinabayaan.
Naging instrumento ang staff ng Haven para maibalik ko ang aking dignidad.
Marami ang serbisyong natanggap ko habang nasa HFW ako. Kasama dito ang mga medical check-up, pati na ang gamot at immunization para sa anak ko. Sa psychological naman, malaking tulong ang Social Services Counselling para sa aking decision-making. Sa Homelife Services naman, marami akong nakuhang kaalaman. Nahasa ang aking kakayahan sa pagluto, paglinis at pag-time management, kung papaano gamitin ang aking oras. Sa Livelihood naman, isang oportunidad para sa akin na makasali sa training ng TESDA para sa baking ng bread and pastries. Isa ako sa mga maswerteng nakapasa sa NC-II Exam. Malaking tulong ito sa akin, lalo na paglabas ko sa Haven. Hindi na ako mag-aalala kung ano ang gagawin ko para mapakain ang anak ko. Sa spiritual naman, mas napalapit ako sa Panginoon. Alam ko na binibigyan Niya ako ng guidance at blessings araw-araw.
Nagpapasalamat ako sa staff at houseparent sa Haven dahil sa maganda nilang pag-trato sa akin. Hindi nila ako pinabayaan. Isa sila sa mga malaki ang naitulong para mabago ko ang aking buhay. Salamat sa inyong mga payo! Marami kayong natutulungang mga babae na may hinaharap na problema.
Ngayon, masasabi kong malaki na ang pinagkaiba ng Anna noon, at ang Anna na nasa harap ninyo ngayon. Gusto kong i-congratulate ang Anna na nasa harap ninyo ngayon dahil nalagpasan niya ang mga pagsubok sa buhay. Alam kong kaya ko na humarap sa mga problema.
Para sa mga babaeng humaharap sa pang-aabuso, karahasan at iba pang mga problema; para sa mga baabeng nangangailangan ng tulong, andito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD). Andito ang Haven For Women, 24/7. Huwag kayong mahiyang lumapit, kasi hindi kayo nila papabayaan. Tutulungan nila kayo.”