TINGNAN: Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Ready-to-Eat Food (RTEF) packs sa ginanap na Project LAWA at BINHI Convention noong Disyembre 2 sa SMX Convention Center, Mall of Asia Complex.

Layunin ng pinakabagong inisyatibo na ito na matiyak ang food security ng mga pamilyang apektado ng kalamidad, partikular na sa unang 24 hanggang 48 oras mula sa sakuna. Ang RTEF packs ay naglalaman ng masustansiyang pre-cooked meals na binuo sa tulong ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ng Department of Science and Technology (DOST). Sisimulan sa susunod na taon ang prepositioning ng RTEF sa iba’t ibang estratehikong lugar sa bansa para mas mabilis maipamahagi sa tuwing may kalamidad.

Samantala, itinampok din sa nasabing convention ang matagumpay na implementasyon ng Project LAWA at BINHI sa iba’t ibang rehiyon kabilang ang Eastern Visayas. Dinaluhan ito ng DSWD Field Office VIII Regional Director Grace Q. Subong kasama ang Disaster Response Management Division (DRMD) OIC Chief Nena Getalado at Risk Resiliency Program for Climate Change Adaptation and Mitigation (RRP-CCAM) technical staff. Naging daan ang pagtitipon para sa pagbabahagi ng kaalaman at pagpapalakas ng kakayahan ng mga implementers sa lokal at pambansang antas sa larangan ng risk resiliency.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#projectlawaatbinhi