Patuloy ang isinasagawang relief operations ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 8 para sa mga stranded na truck drivers, porters, at iba pang apektadong indibidwal bunsod ng ipinatupad na weight restriction sa San Juanico Bridge.

Batay sa pinakahuling ulat, nakapamahagi na ang kagawaran ng 2,078 family food packs (FFPs), 443 bote ng 6.6-litro na tubig, at ₱14,000 halaga ng financial assistance, sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Sa kabuuan, mahigit ₱1 milyon ang halaga ng nasabing food and non-food items ( FNFIs) at AICS na naipamahagi sa mga na-stranded sa Leyte at Samar, na karamihan ay mula pa sa ibang rehiyon.

Nananatili ring nakaantabay ang Disaster Response Management Division (DRMD) ng kagawaran sa mga itinalagang Help Desks sa Leyte at Samar, upang agad na makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan. Habang patuloy din ang koordinasyon nito sa iba pang miyembro ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) at mga City/Municipal Social Welfare and Development Offices (C/MSWDOs) upang higit pang mapabuti ang paghahatid ng serbisyo sa mga apektadong mamamayan.

Samantala, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), tanging mga sasakyang may bigat na hanggang tatlong tonelada lamang ang pinapayagang tumawid sa tulay. Bilang bahagi ng interbensyon ng pamahalaan, may libreng sakay ding iniaalok para sa mga pasaherong nagnanais tumawid sa tulay.

Ayon naman sa Philippine Ports Authority (PPA) may mga pantalang nakabukas bilang alternatibong daanan ng mga truckers habang pansamantalang may restriksyon sa tulay, kabilang na diyan ang kakabukas lang na Tacloban–Amandayehan Port.

Pinapaalalahanan ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga opisyal na social media pages ng mga ahensya ng gobyerno para sa tama, wasto, at lehitimong impormasyon.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#SanJuanicoBridgeGovtWatch