Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DSWD Eastern Visayas sa mga Local Government Units na naapektuhan ng bagyong Dante. Base sa mga ulat na nakuha ng mga Project Development Officer (PDOs) ng Disaster Response Management Division, mayroon nang naitalang 638 na pamilya (3,183 na indibidwal) na naapektuhan ng bagyo mula sa tatlong munisipyo sa Rehiyon. Kasama dito ang 578 na pamilya mula sa Maasin, Southern Leyte na napilitang lumikas dahil sa pagbaha, 15 mula Naval, Biliran  at 45 mula Matalom, Leyte.

Nakahanda naman ang DSWD na tumulong sa mga LGUs na magre-request ng dagdag na tulong.  

Sa kasalukuyan, may nakaimbak ang DSWD na 10,809 na Family Food Packs (FFPs) sa iba’t-ibang strategic na lokasyon sa Rehiyon. Kasama dito ang 5,290 na FFPs sa Regional Resource Operations  Center sa Palo, Leyte, 600 sa Allen, Northern Samar, 1,615 sa Catarman, Northern Samar, 400 sa Catbalogan City, Samar, 1,100 sa Can-avid, 100 sa Naval, Biliran, at 200 sa Maasin City, Southern Leyte. Mayroon ding 1,504 FFPs na ipinadala ang Visayas Disaster Resource Center (VDRC) mula sa Cebu.

Maliban sa mga relief items na ito, may nakahandang P1,500,796.00 na standby fund ang DSWD na maaaring gamitin upang bumili ng sangkap para sa paggawa ng dagdag na FFPs. 

#DSWDMayMalasakit