Patuloy ang pagsuporta ng DSWD Eastern Visayas sa mga Local Government Units sa paglaban sa COVID19. Kamakailan, nag-release ang DSWD ng 500 na Family Food Packs (FFPs) matapos mag-request ng dagdag na relief items ang lokal na pamahalaan ng Mercedes, Eastern Samar.
Ayon sa lokal na pamunuan ng Mercedes, mayroong 121 na pamilya ang naka-home quarantine, habang 79 ang nasa isolation facility. Nagbahagi na ang LGU ng paunang tulong para sa mga pamilyang ito.
Bawat FFP ay may laman na anim na kilong bigas, limang kape, limang cereal drink, at halu-halong mga de lata, katulad ng apat na corned beef, apat na tuna flakes at dalawang sardinas. Sapat ito para sa dalawa hanggang tatlong araw para sa pamilyang may limang miyembro.
Inaasahan namang makapagsimula na sa lalong madaling panahon ang produksyon ng dagdag na FFPs bilang paghahanda sa paparating na tag-ulan. Ayon Rey Penaranda, tagapagsalita ng DSWD Regional Resource Operations Section (RROS), prinoseso na ang pagkuha ng mga raw materials at sa ngayon ay hinihintay na lamang ang pagdating ng mga sangkap para makapagpatuloy ang produksyon ng mga FFPs.
Nagpapaalala naman ang ahensya na mas mainam na magkaroon ng sariling preparasyon sa mga bagyo. Kasama sa mga praktikal na mga paghahanda ang pag-iimbak ng pagkain na matagal masira katulad ng mga de lata, at ang paghahanda ng isang GO bag na naglalaman ng damit, mga importanteng dokumento at ID, first-aid kit, radyo, at iba pang mga magagamit sa panahon ng paglikas. Higit sa lahat, binigyang diin ng ahensya na maging alerto kapag magkaroon ng sakuna, at maging mapanuri sa impormasyon na kumakalat upang hindi mabiktima ng fake news.
#DSWDMayMalasakit







