Ang kwento ng pagtulong ng 4Ps sa aking pamilya

Bilang isang magulang, wala akong ibang pinangarap kundi ang mabigyan ng maayos at komportableng buhay ang aking mga anak. Ipinangako ko sa aking sarili na hindi-hinding ko ipararanas sa kanila ang hirap na aking napagdaanan noong ako’y bata pa lamang. Subalit, dahil sa karalitaan na wari’y gumupo sa aking kakayahan, ang pangarap na ito ay nanatiling malayo sa katuparan at ang aking pangako ay mistulang naging isang suntok sa buwan.

Ang aking pamilya ay nabilang sa pinakamababang bahagi ng lipunan. Ito ay isang katotohanang kahit hanggang ngayon ay nagpapakirot pa rin sa aking dibdib sapagkat ito ay nangangahulugan ng maraming masasakit na bagay hindi lamang para sa akin kundi higit sa aking mga anak. Ako ay isang karpinterong hindi regular ang trabaho. Ang aking asawang si Mirasol ay isang lubos na maybahay. Dahil pareho kaming hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pareho kaming walang napasukang maayos na trabaho. Mayroon kaming limang anak:  sina Carlo, Mary Joy, Jomiryca, Tristan at Amira. Kaming pito ay siksikang nanirahan sa isang maliit na bahay na gawa sa mga lumang kahoy at dahon ng nipa at walang suplay ng kuryente. Sa ganitong kalagayan, damang-dama namin ang hirap ng buhay.

 Mula sa pagkakarpintero, kumikita ako ng kakarampot na halaga na aming pinagkakasya upang tustusan ang aming pagkain sa araw-araw. Kadalasan, ang perang ito ay hindi nagiging sapat kaya tumutulong din ako sa pangongopra sa niyugan ng aming kapitbahay kapalit ng munting salapi. Ang aking asawa naman, upang makalikom ng dagdag na kita, ay tumatanggap ng mga labada. Ang kanyang kita sa paglalabada ay siyang ginagamit namin sa iba pang gastusin sa bahay. Mabuti na ang makakain kami ng dalawang beses sa isang araw at makapag-ulam ng tuyo. Todo kayod kaming mag-asawa para matugunan ang pangunahing pangangailangan ng aming mga anak kahit pa ang kapalit nito’y matinding sakit ng katawan, mahahapding sugat sa kamay, at sandamakmak na pawis at luha. Ngunit, sa kabila ng pagsusumikap na ito, kapos pa rin ang aming naibibigay na suporta sa kanila dahil sadyang walang-wala talaga kami sa buhay.

Inaamin kong malaki ang aming pagkukulang sa pag-aaral ng aming mga anak, lalo na ang aming sitwasyon na lima silang sabay-sabay na pumapasok.

May mga pagkakataong sa tuwing humihingi sila ng pera dahil mayroon silang gagawing proyekto o bibilhing importante sa paaralan, wala akong naiaabot sa kanila at mamomroblema ako kung saan ko kukunin ang pera. Karaniwan ay maglilibot ako sa buong lugar namin upang maghanap ng taong maaaring mautangan. Minsan, sinusuwerte ako at umuuwing may dala. Pero, halos lahat ng oras ay umuuwi akong kasing wala noong ako’y umalis. Dahil sa lungkot na hindi ko maibigay ang pangangailangan ng aming mga anak, iiyak na lamang ako nang patago.

Naaalala ko pa nga noong nasa elementarya pa lamang si Jomiryca ay madalas siyang nakukutya dahil puro tagpi ang kanyang uniporme at wala kaming pambili ng bago. Si Mary Joy naman ay minsang umuwi ng bahay na umiiyak dahil ingit na ingit siya sa kanyang mga kaklaseng may bagong bags at kuwaderno. Naisipan naman ni Carlo ang tumigil sa pag-aaral at tumulong na lamang sa paghahanapbuhay sa pamamagitan ng pamamasada ng pedicab matapos siyang magtapos sa elementarya dahil walang pantustos. At dahil kadalasan ay kinukulang ang aming badyet at napipilitan kaming lumaktaw sa pagkain, madalas ding pumapasok sa eskwela ang aming mga anak na kumakalam ang sikmura. Walang kasingsakit ang makita ang pagdurusang ito ng aming mga anak.

            Subalit, ang lahat ng ito ay parte na lamang ng aming nakaraan sapagkat dumating ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps upang kami ay isalba mula sa pagdurusa. Ang programang ito ay isa sa mga bagay na taos-puso kong ipinagpapasalamat sa diyos at sa gobyerno dahil ito ang siyang naging katuwang namin sa pagtaguyod sa aming mga anak. Simula nang mapasama ang aming pamilya sa surbey ng DSWD noong 2009 at tuluyang maisali sa programa noong 2011 matapos kaming umangkop sa mga klasipikasyon nito bilang may anak na nag-aaral at nabibilang sa mahirap na pamilya, malaki ang naging pagbabago sa aming buhay. Dahil sa buwanang tulong-pinansiyal na aming natatanggap, naibibigay na namin ang mga pangangailangan ng aming mga anak. Ang kinikita ko sa pagkakarpintero, kalakip ang rice subsidy galing sa 4Ps, ay palagi nang sumasapat para sa aming gastusin sa pagkain. Tumigil na rin ang aking asawa sa pagtanggap ng mga labada sapagkat itinutuon na lamang niya ang kanyang oras sa pangangalaga ng mga tanim na gulay na proyekto ng 4Ps na aming naibebenta at napagkukunan ng hanapbuhay.

Sa katunayan, nakapag-iipon pa kami ng pera para sa pag-aayos ng aming tahanang ngayo’y gawa na sa semento, matitibay na kahoy at plywood, at may sarili ng linya ng kuryente.

Bukod doon, dahil sa oportunidad na ipinagkaloob ng 4Ps sa aking asawa na dumalo sa mga pagsasanay at seminar tulad ng Responsible Parenthood Caravan at Negosyo sa

Barangay, marami ang kanyang mga natutunan ukol sa paglinang ng pansariling kakayahan bilang isang mamamayan at magulang, na kanya namang ibinahagi sa akin upang pareho kaming umunlad.

Isinakatuparan din ng 4Ps ang matagal na naming adhikain bilang pamilya na makatulong sa ibang nangangailangan. Kahit noon paman, gustong-gusto na naming magasawa at ng aming mga anak ang magbigay ng tulong sa mga taong kapwa namin mahirap. Ngunit, dahil kami ay kapos at kinukulang din, wala kaming magawa kundi ang manlumo sa kawalan namin ng kakayahang tumulong. Kaya ngayon na kahit papano’y natatamasa na namin ang kaluwagan, nakapag-aabot na kami ng tulong sa iba kahit sa munting paraan lamang tulad ng pamimigay ng damit, tsinelas, mga gamit sa eskwela, at maging bigas man at libreng gulay. Sa gawaing ito, hindi lamang kami nakapagdudulot ng saya sa ibang tao bagkus ay mas napapahalagahan din namin ang kaginhawaang hatid ng 4Ps sa aming buhay. 

Dagdag pa rito, at siyang pinakamahalaga sa lahat, ipinagkaloob din ng 4Ps sa aking pamilya ang pagkakapantay-pantay sa edukasyon. Ito ang nagbigay daan upang maging magaan ang pag-aaral ng aming mga anak. Ang kanilang mga uniporme ay hindi na puro tagpi bagkus ito ay mga bago na. Naibibili na rin namin sila ng sapat na kagamitan sa eskwela tulad ng bags, kuwaderno at iba pa. Si Carlo ay hindi na huminto sa pag-aaral dahil noong 2011 kung kailan unang taon niya sa high school ay naging benepisyaryo na kami ng 4Ps at nagkaroon na ng pantustos sa kanyang pag-aaral. Hindi ko matandaan kung ilang beses kaming lumaktaw sa pagkain noon. Pero ngayon, sa tulong ng 4Ps, hindi na nararanasan ng aming mga anak ang magutom. Dahil dito, mas naging interesado sila sa pag-aaral.

 Kung gaano ako kamalas sa buhay ay ganoon din ako kasuwerte sa aming mga anak. Lahat sila ay may pagpapahalaga sa pamilya at masisipag sa mga gawaing-bahay.

Kahit abala sila sa ibang mga bagay dahil aktibo sila sa paglahok sa samu’t saring gawain ng komunidad, simbahan, at paaralan, hindi nila pinapabayaan ang kanilang pag-aaral. Si Carlo ay nagtapos bilang valedictorian noong siya ay nasa high school, isang consistent dean’s lister noong siya ay nasa kolehiyo habang kinukuha ang kursong Bachelor of Science in Chemical Engineering sa Eastern Visayas State University-Tacloban City Campus, at magtatapos na sana ngayong taon at may tsansang maging isang cum laude kung hindi lamang nagkaroon ng pandemiya. Samantala, si Mary Joy ay nagtapos bilang With Honors noong nasa senior high school siya at ngayo’y nasa pangalawang taon na sa kolehiyo bilang estudyante ng kursong Bachelor in Elementary Education. Sina Jomiryca at Tristan ay parehong nasa high school, Grade 12 at Grade 8 sa kamatuwid, at pareho ring honor students. Ang bunso naman naming si Amira ay nasa ikatlong baitang na sa elementarya at mahusay din sa klase. Sa totoo lang, hindi namin mapagtatapos ang aming panganay kung hindi dahil sa tulong ng 4Ps. At umaasa ako na magtatapos din ang apat pa naming anak sa pamamagitan ng pagpupursige nila, pagtutulungan naming mag-asawa at, siyempre, saklolo ng 4Ps. Hindi ko po alam ang sa inyo, pero ang makitang pursigido sa pag-aaral ang aking mga anak at hindi naliligalig ng mga suliraning may kaugnayan sa pera ay isa nang malaking tagumpay para sa akin.

            Alam ko na wala na akong magagawa sa napako kong pangako na hindi ko ipararanas sa aking mga anak ang hirap ng buhay kasi napagdaanan na nila ito, labag man sa aking kalooban. Subalit, walang-pagsidlan ang aking saya sapagkat ang aking pangarap na mabigyan sila ng maayos at komportableng buhay ay unti-unti nang natutupad. Isa itong patunay sa mahalagang aral na ibinahagi ng 4Ps sa aming pamilya na kailan man ang kahirapan ay hindi magiging hadlang sa katuparan ng mga pangarap. At naniniwala ako na ang lahat ng ito ay naging posible dahil nandiyan ang 4Ps upang umagapay sa amin sa bawat hakbang ng aming paglalakbay mula dusa hanggang ginhawa.