
Katuwang ang Philippine Army at ang mga Local Government Units, nagsimula na ang DSWD Eastern Visayas sa pag-release ng Family Food Packs (FFPs) sa mga munisipyong naapektuhan ng bagyong Agaton. Matapos magsagawa ng inspeksyon sa Abuyog at Baybay City noong Abril 12, nag-release ang DSWD ng 5,113 na FFPs na nagkakahalaga ng P3,419,638.00. Sa bilang na ito, 2,000 ang ini-release sa Baybay City, 1,313 sa Abuyog at 1,800 sa Guiuan.
Bahagi ito sa inisyal na pagresponde ng DSWD para sa bagyong Agaton.
Nagpasalamat naman si Abuyog Mayor Lemuel Traya sa ahensya para sa inisyal na pagtulong. Ayon sa kanya, “makakatulong ito sa mga Abuyognon, lalo na ngayong walang panahon para mamalangke dahil sa dami ng mga kailangang ayusin.”
Samantala, patuloy naman ang DSWD sa pagresponde sa mga request mula sa LGU. Patuloy din na nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga LGU upang makuha ang kritikal na impormasyon na gagamitin para sa pagresponde sa bagyo.
Patuloy na makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal para sa paglilista ng mga apektado ng bagyo.
#DSWDMayMalasakit
#AgatonPH





