Nasa apat na raang mga estudyante ng National Service Training Program (NSTP) ang nakilahok sa Disaster Resilience Information Drive ng Department of Social Welfare and Development Field Office VIII (DSWD FO VIII), katuwang ang Eastern Visayas State University (EVSU) na may temang “Kabataang handa, maasahan sa oras ng sakuna.”

Kasabay nito isinagawa rin ang ceremonial signing ng Memorandum of Agreement, sa pangunguna ni Regional Director Grace Q. Subong at EVSU Vice-President for Administration and Finance, Dr. Benedicto T. Militante Jr., na naglalayong paigtingin ang partnership ng dalawang institusyon sa pagpapalakas ng disaster resilience initiatives sa rehiyon. Di naman matatawaran ang suporta ng University President na si Dr. Dennis C. De Paz, na naging instrumental sa pagsasakatuparan ng aktibidad.

Nakibahagi rin sa programa ang DRRM Focal ng unibersidad na si Dr. Charlie Ripalda, NSTP Director na si Dr. Marlon E. Lora, at ang mga NSTP Coordinators. Sa pamamagitan ng kasunduang ito, inaasahang maging aktibong boluntaryo ang mga mag-aaral na handang tumulong sa pag-tugon ng mga pangangailangan ng komunidad sa panahon ng mga kalamidad.

Tampok sa nasabing information drive ang iba’t ibang programa ng DSWD, partikular na sa paghahanda at pagtugon sa mga pangangailangan tuwing may sakuna. Ang aktibidad na ito ay isang malaking hakbang ng kagawaran sa pagpapalakas ng kaligtasan at kahandaan hindi lamang sa Eastern Visayas kundi sa buong Pilipinas.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD