Sinimulan na ng DSWD Field Office VIII ang tatlong araw na cash-for-training sa Eastern Samar, bilang bahagi ng Project LAWA o Local Adaptation to Water Access at BINHI o Breaking Insuffiency through Nutritious Harvest for the Impoverished. Ang nasabing training ay kasalukuyang isinasagawa sa apat na munisipalidad sa probinsya, kabilang ang Jipapapad, San Policarpo, Oras at Dolores.
Mahigit 1,000 benepisyaryo mula sa nasabing apat na lokal na pamahalaan ang kasalukuyang nakikilahok sa cash-for-training, na naglalayong sila’y maihanda sa maayos na pagpapatupad ng proyekto at mapalawak ang kanilang kaalaman sa mga solusyon upang matugunan ang kakulangan sa tubig at pagkain na dulot ng climate change.
Ang cash-for-training ay magpapapatuloy sa tatlo pang probinsya sa rehiyon, kabilang ang Northern Samar, (Western) Samar at Southern Leyte sa buong buwan ng Mayo. Maliban sa training ay dadaan rin sa 15 araw na trabaho ang mga benepisyaryo kung saan sila ay makakatanggap ng halagang katumbas ng daily minimum wage rate sa rehiyon.
Ang proyektong ito ay parte ng Risk Resiliency Program for Climate Change Adaptation and Mitigation, na naglalayong maibsan at maiwasan ang epekto ng climate change.