Sa pagdiriwang ng 𝗜𝗻𝘁𝗲𝗿𝗻𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻𝗮𝗹 𝗗𝗮𝘆 𝗼𝗳 𝗙𝗮𝗺𝗶𝗹𝗶𝗲𝘀 ngayong linggo, ating kilalanin ang Pamilya Avila mula sa Brgy. Anilao, Liloan, Southern Leyte na lahat ng miyembro ng pamilya ay aktibong nakikilahok sa mga gawaing pagpapaunlad sa kanilang barangay.
Si Emelda Avila, ang ilaw ng tahanan, ay mahigit labing-isang (11) taon nang aktibong 4Ps Parent Leader, “Mahigit 11 years na ako sa aking pagbibigay serbisyo upang magbigay ng tulong sa ano mang pwede kong magawa upang mapadali ang mga gawain, mabigay ang tamang impormasyon at mabigyan ng gabay ang bawat miyembro. Hindi madali ang pagiging Parent Leader pero taos- puso kong tinanggap ang responsibilidad at masaya akong tumutulong sa programa at nakakatulong sa iba na walang hinihinging kapalit.”
Para kay Emelda, naging inspirasyon niya ang pagiging parent leader upang mas maging aktibo at makibahagi pa siya sa mga gawaing pagpapaunlad sa barangay. Maliban sa pagiging parent leader, si Emelda ay isa rin Child Development Worker (CDW), Barangay Health Worker (BHW), kasapi ng isang women’s association at fisher folks’ association, volunteer sa ilalim ng World Vision Philippines, at miyembro ng “Anilao Growers Association” sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD.
“Sa pamamagitan ng pakikilahok sa ibat-ibang larangan ng organisasyon dito ko naipamalas ang aking mga kakayahan, kumpyansa at tiwala sa sarili maging sa aking kapwa tao o benepisyaryo natutulongan ko silang ipakita ang kanilang iba’t-ibang talento sa pamamagitan ng pakikilahok, pakikipaghalubilo o pakikipagkapwa tao. Ito ang naging daan upang madagdagan ang kaalaman ng bawat isa.”
Maging ang asawa ni Emelda na si Ronnie ay aktibo rin sa gawaing pagpapaunlad sa barangay. Sa katunayan ay Assistant 4Ps Parent Leader ni Emelda si Ronnie. Si Ronnie ay isa ring volunteer sa ilalim ng KALAHI-CIDSS program at Philippine Red Cross, at miyembro ng fisherfolk association.
Naimpluwensiyahan din nila sa paglahok sa mga gawaing pagpapaunlad sa barangay ang kanilang tatlong anak na mga miyembro ng mga youth organizations sa kanilang lugar.
Sa loob ng tahanan ay itinuturo na nila Emelda at Ronnie sa kanilang mga anak na sina Romel, Rochel Ann at Mark na mabuting mayroon silang kamalayan sila sa mga isyung panlipunan at naibabahagi nila sa iba ang kanilang kaalaman at kakayanan.
Ang kanilang tatlong anak ay kabilang sa mga Youth Organizations sa kanilang lugar. Si Rommel ay naging treasurer ng Sangguniang Kabataan (SK) sa kanilang barangay noong nakaraang taon. Siya rin ay volunteer sa ilalim ng Philippine Red Cross. Samantala, si Rochel Ann ay isang Sanggunuang Kabataan member din, volunteer sa ilalim ng World Vision Philippines, at nagtuturo ng Catechism sa kanilang simbahan. Habang si Mark ay kabilang sa Anilao Children’s Association.
Naging aktibo po kami sa barangay dahil po bilang isang mamamayan o sakop sa barangay kailangan pong maging aktibo kami upang maging aware kami sa mga pangyayari at mga aktibidad sa aming barangay.
Sa pagbabahagi ni Mark, “Naging aktibo po kami sa barangay dahil po bilang isang mamamayan o sakop sa barangay kailangan pong maging aktibo kami upang maging aware kami sa mga pangyayari at mga aktibidad sa aming barangay.Noong naging [miyembro] kami ng Pantawid Pamilya ay mas lalong naging participative dahil iyon po ay isa rin naming paraan na magpasalamat sa gobyerno sa kanilang malaking tulong.”
Ika naman ni Emelda, “Lahat ng ito ay lubos kung ipinapagsalamat at malaking kasangkapan nito ang 4Ps. Lubos akong nagpapasalamat sa 4Ps lalo na sa malaking ambag at [magandang] impluwensya nito sa bawat pamilyang Pilipino lalong lalo na sa aking pamilya.”
(credits: DSWD 4Ps ML Geraldine Y. Ani/ MOO Liloan)