Hinagupit man ng Bagyong “Enteng,” tulong-tulong pa rin ang dalawang daan at labing-isang (211) partner-beneficiaries sa Lope De Vega, Northern Samar sa muling pagpapatayo ng kanilang mga proyekto sa ilalim ng Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency Through Nutritious Harvest for the Impoverished) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Pinakita ng mga benepisyaryo ang tunay na diwa ng bayanihan at sinimulang muli ang pagtatanim upang mapanatili ang mga nasimulan.

Bago pa man nanalanta ang nasabing sakuna, nakapag-ani na ang komunidad ng sari-saring gulay, prutas, at halamang-ugat tulad ng mais, ampalaya, okra, kalabasa, talong, pipino, kamoteng-kahoy, at kamatis. Ang mga produktong ito ay hindi lamang nagsisilbing pagkain ng mga benepisyaryo kundi napagkukunan rin ng dagdag-kita.

Samantala, pinalawak ng mga benepisyaryo sa Brgy. Getigo ang kanilang LAWA project na pinaglagyan ng mga isdang tilapia. Ipinapakita ng mga residente na ang proyektong ito ay hindi lamang isang pangmaikling hakbang, kundi isang pangmatagalang inisyatibo tungo sa kasaganaan at kaunlaran. Sa bawat pagtatanim, lumalalim ang kanilang pag-unawa na ang pagtataguyod at pagpapanatili ng mga proyektong tulad nito ang susi sa isang mas matatag na kinabukasan.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#projectlawaatbinhi