Ako ay may isang munting tahanan. Bagamat kami ay isang malaking pamilya, ito ay maituturing kong aking munting tahanan sapagkat ang lahat sa amin ay namuhay ng payak sa ilalim ng isang bahay na maliit man subalit sulit ang pagmamahalan. Nagsimula kaming buuin ito nang ako ay labing-pitong taong gulang lamang. Mayroon akong labing-tatlong anak. Madalas kong marinig na sabihin ng iba na napakarami ng iniluwal kong anak. Ngunit sa puso ko, lahat sila ay may parte ng aking pagkalinga at pag-aaruga. Isang pagmamahal ng ina na laging nangungulila sa mga panahong kalung-kalong ko pa sila sa aking bisig at ngayo’y marami sa kanila ay may kaniya-kaniya nang pamilya, ang patuloy na titibok sa aking damdamin. Sa labing-tatlong anak ko, tatlo lang ang babae at sampo ang lalaki. Sa kalooban ng Diyos, ang panganay kong anak ay nauna na Niyang kunin sa aming piling. Wala mang tumbas ang pighating ito, patuloy pa rin ang buhay para sa iba ko pang mga anak. Nananalig naman akong ang lahat ng ito ay kabilang sa magandang mithiin ng Diyos para sa amin.
Naninirahan kami sa iisang bahay na hindi kagandahan ngunit isang tahanang nababalot ng mga alaala ng aking pamilya. Maraming mga masasaya at mayroon din namang malungkot na mga karanasan. Ngunit naniniwala ako na ang lahat ng iyon ay parte ng paghubog ng bawat isa sa amin. Kung ano man ang mayroon kami ngayon, iyon ay dahil sa lahat ng mga pangyayari ng kahapon na labis kong ipinag pasasalamat sa Poong Maykapal. Sa awa at gabay ng Diyos, malugod naming naitataguyod ang lahat ng pangangailangan ng aming pamillya. Mula sa mga ani sa bukid na siyang aming pangunahing hanap-buhay, matiwasay naming nairaraos ang bawat araw na lumilipas nang hindi kumakalam ang tiyan ng aking pamilya. Madalas kaming nasa aming bukid kapag walang pasok ang aking mga anak. Tulong-tulong sa lahat ng mga gawain roon nang sa ganun, sa bawat paglubog ng araw, alam naming may pag-asang naghihintay sa pagsikat ng araw.
Sa bawat pamilya, hindi talaga maiiwasan na may mga pagsubok na darating. Sa mga panahong sinusubok talaga kami, wala kaming ibang kinakapitan kundi ang Diyos lamang. Kung hindi malakas ang aking pananampalataya sa Diyos kasama na rin ng aking katipan, marahil ay matagal na akong sumuko sa buhay. Subalit ang aking pananalig ay singlalim ng karagatan kaya naman dinidinig niya ang bawat taimtim na dalangin ng aking damdamin para sa aking pamilya. Isa ring napakalaking biyaya ang makita kang lumaking nagsisilbi sa Diyos ang aking mga anak. Mula sa mga banal at gintong aral na ipinamalas namin sa aming mga anak, sila ay lumaking may takot sa Diyos, mapagkumbaba at may pagmamahal sa pamilya. Kaya naman, sa tuwing dumarating ang pagsubok na mayroong hindi pagkakaunawaan sa loob ng aming tahanan, hindi ako nababagabag sapagkat alam kong madali lamang itong masosolusyunan na siya ngang tunay. Laging pagmamahal pa rin sa bawat isa ang umiiral kayat anumang hidwaan ang umusbong ay hindi nagtatagal.
Gayunpaman, hindi naman kami naging perpekto bilang mga magulang sa aming mga anak. Marami ring mga pagkakataong kami ay may mga pagkukulang. Noong mga panahong sila ay maliit pa, tunay ngang naibibigay namin ang kanilang pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, damit at tirahan subalit batid kong salat rin kami sa kaunlaran sa buhay. Maraming mga bagay ang hindi naming maibigay sa kanila. Alam kong hindi sila nag-aasam nang higit pa sa kaya naming ibigay sa kanila subalit bilang isang ina, masakit rin sa akin na meron silang mga kagustuhan sa mura nilang edad na piniling ibulong na lamang sa hangin sapagkat alam nilang hindi naman namin maibibigay, gaya na lamang ng pagbili ng keyk tuwing kaarawan nila o di kaya’y paggawa ng masarap na pagkain tuwing pasko. Madalas noon, kapag may okasyon gaya ng bagong taon o pasko, nakikikain lang kami sa aming kapitbahay na may masarap na handa dahil ang pinagsaluhan lang namin noon sa aming hapagkainan ay pansit at kakanin gaya ng suman na siyang lagi nang nalalasap ng aming dila. Kaya naman, nangarap ako ng pagkataas-taas para sa aking mga anak. Itinanim ko sa aking puso’t isipan na anuman ang mangyari, igagapang namin magkatipan ang pag-aaral ng aming mga anak nang sa ganun ay magbago ang kanilang buhay at buhay ng kanilang mga magiging anak.
Kagaya ng aking inaasahan, hindi naging madali ang pagpapaaral namin sa kanila. Habang tumatagal, mas lumalaki ang mga gastusin nila sa paaralan lalo pa’t nagsasabayan na silang nag-aaral. May mga panahong napapaluha na lamang ako sa isipin kung saan kami kukuha ng panggastos. Ngunit ito ay hindi alintana lalo pa na sa bawat pagtatapos ng pag-aaral, may medalya silang inuwi sa bahay. Marami ring mga kaganapan sa kanilang paaralan na sila ang pinipili upang ipalahok sa mga patimpalak sa ibang lugar at may mga pagkakataong sila rin ay nananalo. Ang isa ko ngang anak ay champion sa sci-damath noong araw. Ang isa ko namang anak ay nanalo sa “Biglaang Talumpati-Division Competition”. Dahil rito, napapawi ang lahat ng pagod at muling nabubuhay ang pag-asang matutupad ang aking pangarap para sa kanila.
Tunay ngang napakahirap mangarap kapag ikaw ay mahirap. Pero sa tiyaga at pananampalataya, ang bawat pangarap ay mayroong paroroonan. Marahil dininig ng Diyos ang hiling ng kaibuturan ng aking puso. Kaya naman, nagpadala siya ng biyaya sa pamamagitan ng paggamit ng isang instrumento para ito ay maabot sa akin at iyon ay ang gobyerno. Sa napakabuting palad na ibinigay sa akin ng Diyos, isa ako sa mga pinakaunang benepisyaryo ng 4Ps, isang programa na naglalayong paunlarin ang kalusugan at edukasyon ng bawat pamilyang Pilipinong kabilang sa mga pinakamahirap na pamilya sa bansa, at isa ang aming pamilya dito. Dahil sa tulong na ito, mas mapadali ang pag-abot ko ng aking pangarap para sa aking mga anak. Mas nabigyan ng buhay at pag-asa na siya ang naganap sa paglipas ng panahon.
Dahil sa aking pangarap, napagtanto ko ang isang aral sa buhay. Madalas sabihin ng nakararami na maging kontento tayo sa kung ano ang meron tayo. Subalit ito ay hindi tama sa lahat ng pagkakataon lalo na kapag usapang pangangailangan ng pamilya. Para sa akin, hindi sapat na naibibigay natin ang kanilang mga kailangan sa araw-araw, na hindi natin sila ginugutom. Hindi dapat tayo makuntento sa ganitong isipin dahil mayroon din silang mga sarili bilang pangangailangan na tutulong sa kanila upang mas lalo silang maging produktibo sa kanilang buhay. Ito ay hindi makakamtan kung palagi nating isipin na sapat na ito para sa aking mga anak at hindi na gumagawa ng paraan para magkaroon ng pagbabago. Hindi sapat na tinuturuan lang natin sila ng mga magagandang aral dahil hindi nila ito isasabuhay kung pagdating ng panahon, bubuo lang ulit sila ng pamilya at mamumuhay ng kagaya ng kung anong meron lang sila noong araw. Paulit-ulit na siklo ng buhay ng pamilya na umiikot sa kahirapan. Kaya naman, mariin kong ipinangako sa aking sarili na kung ano man ang hirap na dinanas ko bilang isang magulang, dapat hindi na iyon maranasan ng aking mga anak pagdating ng panahon na sila ay maging magulang na rin. At naniniwala ako na ang pinakamabisang susi nito ay ang edukasyon. Hindi patas ang buhay ngunit kung mayroon silang natapos, mas malaki ang pag-asang magkakaroon sila ng mas mabuting buhay sa hinaharap.
Sa paglipas ng panahon, dahil sa biyaya at gabay ng Diyos na kailan ma’y hindi nagkulang, walang mapaglagyan ang aking kaligayahan sapagkat unti-unti ko nang nakikikita na tinupad ng Diyos ang aking pangarap para sa aking tahanan. May apat na anak na akong nagtapos sa kolehiyo. Ang isa ay nagtapos ng kursong Bachelor of Elementary Education Major in Home Economic, Magna Cum Laude. Sa ngayon ay isa na siyang guro sa Mababang Paaralan ng Crystal Mountain at tinatapos ang kanyang “masteral education”. Ang isa naman ay Bachelor of Science Major in Criminology, board passer. Dahil sa isang personal na dahilan, hindi siya ngayon nagtatrabaho bilang pulis. Siya ay nagtatrabaho sa isang ahensya. Ang isa kong anak ay nagtapos naman sa kursong Bachelor of Arts in Political Science, Magna Cum Laude. Kaagad siyang nagtrabaho sa paaralan kung saan din siya nagtapos bilang isa sa mga “Special Lecturers” at gumawa siya ng “ProfEd Units” para makapag-take siya ng Board for Licensure Examination for Professional Teachers na kaagad din naman pumasa sa naturang “board exam.” Sa ngayon ay nagtatrabaho pa rin siya doon sa umaga, habang sa gabi naman ay nag-aaral siya sa kursong Juris Doctor na kung ipa patnubay ng Maykapal ay nawa’y maging isang abogado siya pagdating ng panahon. Ang isa kong anak ay nagtapos ng Bachelor of Science in Civil Engineering. Kasalukuyan siyang naghahanda para sa board exam sa hinaharap. Ang iba kong anak ay nag-aaral pa. Dalawa sa kolehiyo at isa sa sekondarya. Ang iba kong anak, matapos silang nagtapos sa sekondarya, mas piniling mag-aral lang ng “vocational courses” at kaagad na nagtrabaho. Masaya akong makita silang namumuhay ng maayos sa kasalukuyan at may mga maayos na trabaho bagamat hindi nagtapos ng kolehiyo.
Bilang isang ina, ang pinakamalaking tagumpay na narating ko ay ang magkaroon ng mg anak na maayos ang pamumuhay. Noong araw, isa lamang itong napakalaking pangarap. Maraming pagkakataong nahirapan kami subalit mas malaki ang aking pangarap kaysa sa aming paghihirap. Dahil sa aming pagsusumikap lalo na ang aking mga anak na makapagtapos, at dahil sa tulong ng programa ng 4Ps, matagumpay kong nakamit ang pangarap ko sa aking mga anak o sa aking munting tahanan. Ngunit ang lahat pa rin ng kapurihan ay sa Poong Maykapal.
Sa ngayon, mas maayos na ang aming buhay kumpara noon. Nagtatrabaho pa rin kami sa bukid dahil iyon na talaga ang aming nakasanayan subalit hindi na kagaya ng dati na kahit halos magkandukupa kami sa trabaho ay mahirap pa ring pagkasyahin ang lahat. Hindi na nila kailangang magtrabaho ng mabibigat na mga gawain dahil mayroon naman na silang maayos na mga trabaho. Madalas na rin kaming magdaos ng mga kaganapan sa buhay na ni minsan ay hindi ko na naisip na mararanasan namin kagaya ng “Mother’s Day” at “Father’s Day”. Minsan napapaluha ako, hindi dahil sa lungkot kundi sa tuwa dahil sabi ko, kung hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang aking mga anak, hindi namin mararanasan ang kung ano ang kaginhawaan ang mayroon kami ngayon. Hindi ko sinasabing mayaman kami sa pera kasi may mga pagkakataon pa rin naman na nagkukulang kami ng gastusin sa araw-araw, pero totoong mas magaan na ngayon kumpara noon. Kung may yaman man akong maipagmamalaki, yun ay ang aking tahanan na namumuhay ng buo sa kabila ng lahat ng mga karanasan sa buhay.
Ang pag-unlad na naganap sa paglipas ng panahon ay hindi ko lang napansin sa loob ng aking tahanan. Sa buong komunidad na kinabibilangan namin ngayon, masaya akong pagmasdan na marami na ring mga pamilya ang maunlad at ang iba pa nga sa kanila ay sobrang maunlad. Marahil ay dahil nakatanggap din sila ng tulong mula sa gobyerno. Sa katunayan, hindi lamang 4Ps ang tulong na ibinigay sa bawat pamilya rito. Mayroon pang ibang mga programa. Kaya naman, sa lahat ng mga positibong pagbabago, taos-puso akong nagpapasalamat sa lahat ng may ambag ng kaunlarang ito. Mula sa aking munting tahanan patungo sa lahat ng mga tahanan, nawa ay patuloy tayong pagpalain ng Diyos. Sa huli, papuri sa Panginoon!
Ang salaysay na ito ay point-of-view ni Norma, ang ilaw ng tahanan ng Pamilya Dolorzo.
Ang Pamilya Dolorzo ang itinanghal na Regional Winner ng 2024 Search for Huwarang Pantawid Pamilya.