Ang Kalahi-CIDSS ay isa sa mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may layunin na magkaroon ng inklusibong partisipasyon ang iba’t-ibang sektor ng lipunan, kabilang na dito ang mga kabataan, sa pamamagitan ng CDD na istratehiya.

Isa si Apple May Amistoso sa mga kabataan na nahasa ang kakahayan dulot ng kanyang pagiging boluntir ng Kalahi-CIDSS. Sabi niya ‘Sa una ay nag aalangan ako na tanggapin ang pagboluntir sa Kalahi dahil ito ay mga bagay na hindi napapag aralan sa eskwelahan pero naisip ko rin na matututo ako rito kaya’t ito’y tinanggap ko. Marami akong natutunan mula sa mga trainings at seminars. Kaya hinihimok ko rin na ang mga kapwa ko kabataan na maging aktibong mamayan sa kanilang munisipyo sa pamamagitan ng pagboluntir sa Kalahi.”

Ang DSWD ay may mandato na pangalagaan, protektahan, mabago ang buhay at mabigyan ng kalakasan ang mga tukoy na sektor na higit na nangangailangan. Maliban sa Kalahi-CIDSS, ang iba pang halimbawang programa ng DSWD na tumutugon sa pagtulong sa kabataan ay ang UNLAD-KABATAAN PROGRAM (UKP), sa ilalim ng Protective Services Division, na umaaksyon at nagseserbisyo upang mahubog ang kakayahan at mapainam ang kanilang buhay.  At ang Youth Development Session (YDS) na isang interbensyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nakatutok sa mga kabataang benepisyaryo nito na may layunin na mas palakasin pa ang mga aral ng kabataan mula sa paaralan, o kung hindi na sila nag-aaral ay mapabalik sila rito.

#DSWDMayMalasakit
#DSWDKalingaAtPagmamahal
#DSWDMagKalahiTayoPilipinas
#ThisIs8!