Nais bigyang -linaw ng pamunuan na ang pansamantalang sinususpinde ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, kasabay ng COVID-19 outbreak, ay ang mga aktibidad ng 4Ps na naghihikayat ng pagdalo o pagtitipon ng mga tao, tulad ng Family Development Sessions (FDS) at Social Welfare and Development Indicator (SWDI) assessment.

Ang release ng 4Ps cash grants para sa Period 6 (December 2019- January 2020) ay mag-papatuloy sa buong Region VIII Eastern Visayas ngayong buwan ng March hanggang April 2020. Ang mga benepisyaryo ay hinihikayat na makipag-ugnayan lamang sa inyong City/Municipal Links at mga parent leaders para sa tamang schedule ng release ng inyong grants.

Para sa mga benepisyaryong mayroong EMV Cash Cards, maaari kayong mag-withdraw sa mga ATM branches ng Land Bank of the Philippines, Philippine Veterans Bank, o anumang bangko (subject to minimal charges). Maari ring magbayad sa mga establishments, pamilihan, supermarket, o grocery stores na mayroong Point of Sale (POS) devices na may kaakibat na bawas o service charge.

Sa kasalukuyan ay patuloy na nakikipag-ugnayan ang DSWD Field Office VIII sa lahat ng mga partner stakeholders ng 4Ps, lalo na sa mga local government units, para sa pagsasakatuparan ng payout at pagsisigurado sa kaligtasan at seguridad ng mga beneficiaries na nangangailangan ng tulong pinansyal.

Samantala, ang mga benepisyaryong walang EMV cash cards ay pinapakiusapang mag-antabay ng anunsyo mula sa mga opisyal lamang ng programa ukol sa mga paraan ng pagkuha ng inyong grants.

Gayunman, muli naming pinapaalalahanan ang mga 4Ps beneficiaries na laging mag-ingat at sumunod sa mga abiso ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) upang makaiwas sa COVID-19 virus.

Pinapakiusapan din ang mga benepisyaryo na sundin ang mga gabay na ito sa pag-withdraw ng mga cash grants gamit ang inyong EMV cash cards:

1. Hintayin ang abiso ng ML/CL sa pag-credit/pagpasok ng cash grant sa inyong account bago tumungo sa mga ATM.

2. Magsuot ng face mask o magtakip gamit ang panyo, at magdala ng alcohol sa paglabas ng bahay upang mag-withdraw.

3. Panatilihin ang social distancing o ang hindi pagdidikit-dikit sa pagpila sa bangko. Mas mabuti kung isang metro ang pagitan ng bawat isa.

#DSWDMayMalasakit