Kamakailan, nakibahagi ang DSWD FO VIII sa Pre-Disaster Risk Assessment na isinagawa ng Regional Disaster Risk Reduction and Manangement Council (RDRMMC) sa pangunguna ng Office of Civil Defense. Itinalakay sa nasabing aktibidad ang mga isinasagawang paghahanda ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para sa inaasahang pagdating ng bagyong Jolina. 

Sa kasalukuyan, may nakahandang 8,947 na Family Food Packs (FFPs) ang DSWD Eastern Visayas. Sa bilang na ito, 5,416 ang nasa Regional Resource Operations Section warehouse sa Palo, habang ang iba naman ay nakaimbak sa iba’t-ibang mga strategic na lokasyon sa buong Rehiyon. Kasama dito ang 1,815 sa probinsya ng Northern Samar, 416 sa Samar, 1,100 sa Eastern Samar at 200 sa Biliran. Inaasahan ding madaragdagan pa ang bilang nitong mga FFPs ngayong patuloy ang produksyon ng mga FFPs.

Bawat FFP ay naglalaman ng anim na kilo ng bigas, apat na corned beef, dalawang tuna flakes, dalawang sardinas, limang sachet ng kape at limang cereal drink packs. Ipinapaalala naman ng DSWD na sa bawat sakuna, ang unang rumeresponde ay ang Local Government Unit, na may nakalaang pondo para sa mga sakuna. Maaring magpadala ang DSWD ng dagdag tulong sa mga LGU kung mag-request ang mga lokal na pamahalaan. 


Ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA, huling namataan ang Tropical Depression Jolina 205 na kilometro mula sa Guiuan, Eastern Samar. Isinailalim na ang mga probinsya ng Samar, Northern Samar at Eastern Samar sa Signal No. 1, habang inaasahang magdudulot ang bagyo ng pag-ulan at malakas na hangin. 

Nagpapaalala din ang DSWD sa lahat na laging mag-ingat lalo na sa mga panahon ng sakuna. 

#DSWDMayMalasakit