Sa isang maganda at matiwasay na lugar ng Barangay San Roque, Mercedes Silangang Samar, ang aking pamilya ay namumuhay ng simple at masaya. Nakatira kami sa isang maliit na bahay ngunit matibay. Kaming lahat ay nagdadamayan sa lahat ng oras maging may problema mang hinaharap o wala. Kami rin ay palaging nagtutulongan at nagkakaisa sa lahat ng mga gawaing bahay. Gumagawa kami ng iskedyul kung sino ang maghuhugas ng pinggan, magluluto ng pagkain, magwawalis sa labas at sa loob at kung sino ang maglalaba ng mga damit. Nakakain kami nang tatlong beses sa isang araw ngunit minsan walang ulam, at kung minsan ay gulay at sardinas lamang. May mga panahon din na hindi kami nakakain ng masustansiyang pagkain lalo na ang aking mga anak. Hindi sila nakakain ng prutas at hindi naming mabilhan kasi limitado lamang ang aming kita, kasya lamang ito pambili ng bigas at ulam. Nakakalungkot nga lalo na isang araw ng pumunta kami sa palengke noong nagbenta kami ng isda na huli ng aking asawa. Ang aking anak ay humingi ng mansanas at orange, ngunit ito ay hindi ko nabilhan o nabigyan. Kasi, sapat lamang ang pera ko pambili ng ulam namin at bigas. Kaya sabi ko nalang sa kanya “Anak sa susunod nalang ha? itong tinapay lang muna ang kainin mo.”

Napakasakit na hindi mo naibibigay ang lahat ng gusto ng iyong mga anak. Ang hanap-buhay lamang kasi naming mag-asawa ay pangingisda at minsan nagtatanim din ng mga gulay. Lalo na kung walang mahuling isda. Dito namin kinukuha ang lahat ng mga panggastos namin sa pang araw-araw tulad ng pagkain, bayad sa tubig, kuryente at pati na rin baon ng aming mga anak. Minsan nga dahil sa maliit lamang ang kita namin ay hindi sila nabibigyan ng baon kaya ang ginagawa nalang nila ay namimitas ng bunga ng mga puno ng bayabas, tambis at santol at ibinibinta ito para magkaroon sila ng baon. Naglalakad na lang din sila papunta sa kanilang paaralan lalo na ang aking panganay na anak kasi malayo ang kanilang paaralan nasa lungsod ng Mercedes. Nakakaawa nga kasi naglalakad siya ng malayo na mabigat ang bag niya kasi ito’y puno ng aklat. Hindi naman nagpapapigil itong batang ito, ayaw niyang manghiram sa kaklase niya ng aklat dahil hindi raw siya nakakapag focus. Hindi rin namin sila mabilhan ng mga bagong gamit sa paaralan tulad ng bag, sapatos at uniporme. Pasalamat nga ako kasi minsan may mga kapamilya akong nagbibigay sa kanila ng lumang sapatos, bag at uniporme. Nagtitiis na lamang ang mga anak ko na magsuot at gumamit nito. Minsan din hindi ko sila mabilhan ng bagong notebook. Ang ginagawa nalang nila ay inirerecycle o ginagamit ulit ang notebook na may masusulatan pa. At ang pinaka malungkot sa lahat, iyong kapag nagkakasakit sila kasi hindi naming sila nadadala sa ospital upang mapagamot. Naghahanap na lamang kami ng mga herbal para magamot. Wala rin namang nagpapautang sa amin na aming kapamilya.

Isang beses nga malala ang sakit ng panganay ko at kailangan naming dalhin siya sa ospital. Nanghiram kami ng pera sa isa naming kapamilya pero hindi kami pinahiram.

Nagpapasalamat ako kasi kahit ganito ang buhay naming masaya pa rin ang aking mga anak, nakakaya nilang magtiis, naiintindihan nila ang aming pinag dada-anan, nag-aaral sila ng mabuti, at ginagawa nilang inspirasyon sa pag-aaral ang aming pinag dada-anan. Nakikita ko sa kanila na masigasig silang nag-aaral at maahon din kami sa kahirapan.

Hanggang isang araw, sa hindi inaasahan ang DSWD ay nag survey sa aming tahanan. Tinanong kami kung ano ang aming hanap-buhay, magkano ba ang kita namin at iba pa. At lumipas ang ilang taon, may listahan ng “poorest of the poor” na ibinigay sa aming barangay. At nagulat ako na nandoon ang aking pangalan. Pinapasa kami ng aming mga livebirth. Hindi ko akalain na makakasali kami sa programang ito ng gobyerno. Kaya sobrang saya ng aking Pamilya ng malaman namin ito. Lalo na kaming mag-asawa kasi malaki ang maitutulong nito sa amin para maibigay namin ang lahat ng mga pangangailangan ng aming mga anak.

Kaya simula nang makakuha na ako ng Cash Grant ay ibinili ko ito ng isang sakong bigas, isda, gulay, prutas tulad ng mansanas, orange at saging. Gatas, mga pagkain na maaring maimbak naming, biscuits at tinapaypangmeryenda ng aking mga anak. Nakakain narin sila ng mga masusutansiyang pagkain tulad ng prutas at gulay, at mga paborito nilang ulam tulad ng manok, seafoods, at alimango. Nabibilhan ko narin sila ng bagong mgagamit tulad ng uniporme, bag,sapatos, notebook at iba pang mga gamit nila na kailangan sa kanilang pag-aaral. Naisasama ko rin silang lahat sa Guiuan para mamasyal at kumain. Kapag nagkakasakit naman ang isa sa kanila, agad na naming napapagamot at nadadala sa ospital at nabibilhan narin ng kanilang gamot. Nabibigyan narin namin sila ng baon sa paaralan pambili ng ulam at pambili ng snack. Hindi rin sila naglalakad papunta sa paaralan kasi binigyan din naming sila ng pamasahi. At, nabibigyan din naming ng ekstrang pera para kung sakali may mga bayarin sa kanilang paaralan ay agad nilang mababayaran at hindi na kailangang umuwi pa.

Malaki ang naitulong sa amin ng programang 4Ps. Kasi sa ngayon ang aking pangalawang anak ay mag-kokolehiyo na at aking bunsong anak naman ay nasa Grade 8 na. Naipagpapatuloy nila ang kanilang pag-aaral at aking panganay na anak ay nakapagtapos na sa kolehiyo at siya ay nakasali sa latin honors, at agad rin siyang nakapasa sa Licensure Examination for Teachers. Sobrang laking tulong talaga nito sa amin lalo na noong nag-aaral pa siya kasi ang dami ng gastusin niya sa paaralan tulad ng mga proyekto, baon sa paaralan, at pampasahi. Minsan nga ang bigay naming 100 pesos sa kanya ay hindi kasya buti nalang marunong itong anak ko na mag-ipon ng pera.  Kaya iyong ipon nalang niya ang ginagamit. Nagtutulungan rin kaming lahat para matapos siya sa kanyang mga proyekto kasi ang dami nilang mga gawain. Pero sa ngayon sa awa ng Diyos ay nakapagtapos narin siya at nagbunga na ang lahat ng mga paghihirap namin.

Sa ngayon naman na ang ating bansa ay nakaranas ng isang pandemya ng Corona Virus, ang programa ng 4Ps ay malakia ng naitutulong sa aming mga mahihirap lalo na sa aming Pamilya sa kadahilan ay ito’y nakakapagtustos sa aming mga pangangailan tulad ng bigas na makakain namin, tubig na maiinom, ulam at iba pa lalo na’t hindi makakapaghanap-buhay ang aking asawa. Kaya’t sa bawat paglipas ng araw kami’y nagiging kampanti na kami’y makakain ng tatlong beses sa loob ng isang araw.

Nagpapasalamat talaga ako sa Panginoong Dios na nakasali kami sa programang ito kasi ang laki ng naitulong nito sa aming Pamilya. Ini-ahon kami ng unti-unti sa buhay naming dati. Natupad na ang isa naming pangarap na makapagtapos ang aming panganay na anak at makapa sa Licensure Examination for Teachers. Ito ay makakatulong upang kami ay makatayo sa sarili naming mga paa tungo sa magandang kinabukasan. Maraming Salamat sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program.