Patuloy ang paghahanda ng DSWD Eastern Visayas ng Family Food Packs (FFPs). Ito ay bahagi ng kahandaan ng ahensya mula sa mga sakuna na maaaring mangyari lalo na ngayong tag-ulan.  

Sa kasalukuyan, may nakaimbak na 10,444 na FFPs ang DSWD. Sa bilang na ito, 6,481 ang nasa Regional Resource Operations Section (RROS) na warehouse sa Palo, Leyte. Samantala, 3,665 na FFPs ang naka-preposition sa Northern Samar, 200 sa Eastern Samar at 98 sa Biliran. Ang prepositioning ay ang pag-iimbak ng mga relief items sa iba’t-ibang strategic na lokasyon bago pa man may magkaroon ng sakuna. Sa pamamagitan nito, magiging mas mabilis ang pagresponde ng DSWD sa mga request mula sa LGU. 

Bawat FFP ay may laman na anim na kilo ng NFA na bigas, apat na corned beef, apat na tuna flakes, dalawang sardinas, limang kape at limang cereal drink. Sapat ito para sa pangangailangan ng pamilyang may limang miyembro sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

Ipinapaalala naman ng DSWD na ayon sa Republic Act 10121, ang unang responder sa bawat sakuna ay ang LGUs. Maaaring mag-release ang DSWD nitong mga relief items kapag mag-request ang mga LGU na apektado ng bagyo. 

#DSWDMayMalasakit