“Tuluyang nasira ang bahay namin dahil sa bagyong Jolina. Mahirap pa naman ngayon, kaunti lang kinikita ko, tapos pandemic pa. Sa ngayon, nakatira kaming lima sa bahay na pinagtagpi-tagpi ko. ”

Ito ang kwento ni Mang Domingo, isang drayber ng habal-habal mula sa Mercedes, Eastern Samar. Isa siya sa mga ininterview sa isinagawang balidasyon ng DSWD Eastern Visayas sa probinsya ng Eastern Samar.

Sa pangunguna ng Disaster Response Management Division at ng Eastern Samar Sub-Field Office, binisita ng DSWD at ng LGU ang mga nasiraan ng bahay dahil sa bagyong Jolina upang mangumusta at makakuha ng impormasyon. Isinagawa ng DSWD ang balidasyon na ito matapos makatanggap ng request para sa rehabilitation programs mula sa iilang lokal na pamahalaan sa nasabing probinsya.

Sa tulong ng LGUs, mga Municipal Social Welfare and Development Officer at mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer, nakapag-validate ang DSWD ng 187 na partially-damaged na bahay at 14 na totally-damaged mula sa mga bayan ng Mercedes at Salcedo. Patuloy naman ang isinasagawang balidasyon sa iba pang mga munisipyo sa nasabing probinsya.

#DSWDMayMalasakit