Sa pangunguna ni Assistant Secretary Rodolfo Encabo, Regional Director Grace Subong, at ni Mayor Annaliza Gonzales Kwan, nagsagawa ang DSWD Eastern Visayas at ang lokal na pamahalaan ng Guiuan, Eastern Samar ng turnover ceremony para sa 133 na pabahay sa nasabing munisipyo. Ang mga pabahay na ito ay bahagi ng Modified Core Shelter Assistance Project ng DSWD para sa mga pamilyang tuluyan na nawalan ng tirahan noong bagyong Yolanda.

Bawat unit ng Core Shelter na ito ay nagkakahalaga ng P101,204.00. Nagbahagi din ng P1,950 na Cash-for-Work ang DSWD para sa mga benepisaryo. Sa kabuuan, umabot sa P13,719,482 ang ginugol ng ahensya para sa proyekto. Samantala, nagbahagi din ang LGU ng P7,891,000.00 para sa materyales at trabaho, habang patuloy na nagsagawa ng Resettlement Assistance Program to LGU (RAP-LGU) site development project ang National Housing Authority (NHA).

Ayon kay Municipal Social Welfare and Development Officer Zenaida Cunanan, ang mga pamilyang ito ay isang taon nanirahan sa mga tent cities, campsite at mga bunkhouses bago sila nabigyan ng mga transitional shelter noong 2014 mula sa International Organization for Migration (IOM), isang International Non-Government Organization. Subalit, nagtamo ng pinsala itong mga transitional shelter dulot ng bagyong Ruby. Upang mapunan ang pangangailangan ng mga pamilyang ito para sa permanent shelter, nagtulungan ang DSWD at ang LGU. Nagsimula ang proyektong ito noong 2016.

#DSWDMayMalasakit