Storya ng paglalakbay mula kahirapan tungo sa kaunlaran

Mula nang ikasal sina Roberto at Imelda Albesa at mabiyayaan ng anim na anak, sila ay naninirahan sa kanilang simpleng tahanan na gawa sa mga light materials sa Brgy. San Vicente, Hindang, Leyte. Ang pangunahing pinagkukunan nila ng kita ay pangingisda ng ama kung saan umuupa ito ng bangkang pangisda sa kanyang kamag-anak upang maibigay ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Bukod dito, nagtatrabaho din si Roberto bilang laborer at karpintero. Si Imelda naman ay tumutulong sa pagtitinda ng isda at pagtanggap ng mga labada mula sa mga kapitbahay.

Ibinahagi ng mag-asawa na ang kahirapan ay tila palaging nakadikit sa kanilang buhay dahil mula pa noong sila ay maliit ang kanya-kanya nilang mga pamilya ay dumaan rin sa parehong mga paghihirap. Bagama’t nakapagtapos sila ng secondary education, hirap pa rin silang makakuha ng magandang trabaho na maaaring makapagbigay sa kanila ng mas matatag na mapagkukunan ng income. Ang mag-asawa na parehong kulang ang kita at hindi regular ay talaga nga namang nahirapan na matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang buong pamilya. Lalong naging mahirap para sa pamilya lalo na’t lahat ng kanilang mga anak ay nag-aaral.

Gayunpaman, ang bawat miyembro ng pamilya Albesa ay nanatiling determinado na malampasan ang anumang kahirapan sa buhay.

Nang maging benepisyaryo ang pamilya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 2012, bumuti nang husto ang kanilang pamumuhay. Ang mga natutunan nila sa pagdalo sa buwanang Family Development Sessions (FDS) ay nag-ambag sa kakayahan ng pamilya na mas maging responsable at tumutugon sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya lalo na sa mga anak.

Bukod dito, dahil sa FDS on Financial Literacy at “Pag-iimpok ng Pera” napagtanto din nila ang tamang pag-gamit ng pera at pag-iimpok o savings. Ang mga cash grants na natanggap nila mula sa programa ay ginamit lamang para sa mga pangangailangan sa nutrisyon at edukasyon ng kanilang mga anak. Dahil dito, mas nakaipon pa sila dahil ang kita mula sa kanilang mga gawaing pangkabuhayan ay nagamit sa iba pang importanteng bagay gaya ng unti-unting pagkukumpuni ng kanilang bahay.

Napag-alaman din ng pamilya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng access sa microfinance institution na hindi lamang magagamit sa pag-iimpok at pag-avail ng mga pautang kundi ang pagkakaroon din ng iba’t ibang benepisyo na ibinibigay nito sa mga miyembro tulad ng libreng gamot at bitamina. Ang pagkakaroon ng access sa insurance ay isa rin sa mga benepisyong makukuha ng isang miyembro upang sa mga oras ng emergency, mayroon silang sariling mapagkukunang pinansyal na maaasahan.

Ang pamilya Albesa ay lubos din nasiyahan sa kanilang natutunan na pagkaroon ng produktibong hardin sa likod-bahay kung saan sila ay nakakapag-ani ng masusustansiyang gulay at halamang ornamental na kanila din namang naibebenta.

Ipinagmamalaki at pasalamat din ng mag-asawa na interesado at nagsusumikap ang lahat ng kanilang mga anak sa pag-aaral. Ang mga ito ay tunay na binibigyang halaga ang kanilang mga sakripsiyo bilang mga magulang at ang tulong ng 4Ps. Sa kasalukuyan, ang isa sa kanilang mga anak ay nagtatrabaho na bilang nurse sa isang pribadong Clinic sa Hilongos, Leyte. Ang isa naman ay second year na sa kursong Bachelor of Secondary Education sa Saint Michael College.

Para sa pamilya Albesa, hindi naging madali ang kanilang paglalakbay tungo sa ngayon na tinatamasang kaginhawaan. Kung sila ay ang uri ng pamilya na walang pangarap, adhikain, at pagsusumikap na umunlad, hindi nila mararanasan ang makabuluhang tagumpay na nararanasan nila ngayon.

“Maraming salamat sa 4Ps at sa lahat ng mga kaalamang naibahagi ng programa sa aming pamilya. Tunay nga na maaari nating makamit ang positibong pagbabago at pag-unlad kapag pinagsama-sama ang tulong ng programa, at ang pangarap, tiyaga, at pagsisikap ng lahat ng miyembro ng pamilya,” ika nga ng pamilya Albesa na matagumpay na naabot ang self-sufficient level of wellbeing at grumaduate na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD