Nakatira sa isang squatter area ng Catbalogan City sa probinsya ng Samar ang pamilya ni Arvin Santos. Minsan, hindi nila alam kung kailan sila palalayasin. Ngayong isa na siyang lisensyadong Civil Engineer, umaasa siyang makahanap agad ng trabaho, matulungang mapagtapos ang dalawa pa niyang kapatid, at makapag-ipon upang mabigyan niya ng magandang tirahan ang kanyang pamilya.
Sa kanyang pagbabalik-tanaw, nagpapasalamat siya sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD sa tulong nito na mabawasan ang alalahanin ng kanyang mga magulang sa kanilang pag-aaral at pang araw-araw na pangangailangan, bilang ang kanyang ama ay ibinubuhay sila sa pamamagitan ng pamamasada ng tricycle habang ang kanyang ina ay suma-sideline bilang manekurista.
Banggit ni Arvin, “Maraming salamat sa 4Ps dahil kung wala ang mga ganitong assistance mula sa gobyerno mahirap talaga kaming makabayad sa gastusin sa eskwelahan”
Pinasasalamatan din niya ang kaniyang ninong na sumuporta rin ng kaniyang pag-aaral sa kolehiyo.
Sa kanyang pagpasa sa April 2024 Civil Engineer Licensure Examination (CELE) ay pinatunayan niya na hindi sayang ang mga tulong sa kanya at kanyang pamilya.
Hinahangad din niya na siya ay maging inspirasyon sa kaniyang kapwa 4Ps. Napatunayan niya na kahit gaanong paghihirap or pagsubok ang dumating sa buhay hindi ito hadlang upang makamit ang mga pangarap sa buhay.
(credits: DSWD 4Ps ML Christian Gallos)