Aktibong nakibahagi ang mga Social Workers ng DSWD Eastern Visayas sa isang rescue operation na isinagawa kamakailan sa Tacloban City. Kasama ang Philippine National Police, National Intelligence Coordinating Agency, at ang City Social Welfare and Development Officer (CSWDO), nasagip ang pitong kababaihan na biktima ng human trafficking. Sa bilang na ito, isa ang menor-de-edad.

Agaran namang nagsagawa ang DSWD at ang CSWDO ng counselling at assessment para sa mga na-rescue. Binigyan sila ng pagkain, damit, at pansamantalang matutuluyan, at ini-schedule din para sa medico-legal examination. 

Ayon sa Republic Act 9208, o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, ang human trafficking ay isang krimen. Ito ay ang pag-recruit o illegal na transportasyon ng mga tao sa pamamagitan ng panloloko, pamimilit, o pandurukot. Ang mga nagiging biktima nito ay sapilitang ipinapasok sa prostitusyon o sexual exploitation, forced labor o pagiging alipin, o ang pagtanggal at pagbenta ng mga body organs. Ang parusa para sa krimen na ito ay mula 15 hanggang sa habambuhay na pagkabilanggo, at legal fine mula P500,000.00 hanggang P5,000,000.00. 

#DSWDMayMalasakit