Sa pamamagitan ng pag-uugnayan ng DSWD Field Office VIII at Bureau of Corrections (BuCor) Leyte Regional Prison (LRP), nabigyan ng educational assistance ang 464 na mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ng LRP na naka-enroll sa Alternative Learning System (ALS) para sa school year 2022-2023. Ginanap ang pamamahagi ng educational assistance na ito noong Abril 13, 2023 sa ALS Building, Maximum Security Camp ng LRP Abuyog, Leyte. 228 na mga PDL na naka enroll sa elementary level ng ALS ang nakatanggap ng tig 1000 pesos. 172 naman na mga PDL na naka enroll sa junior highschool ng ALS ang nabigyan ng tig 2000 pesos at 64 PDL na nasa senior high school ng ALS ang nakatanggap ng tig 3000 pesos. Sa kabuuan, umabot sa 764,000 pesos na educational assistance ang naipamagahi ng DSWD Field Office VIII sa mga PDL ng LRP. Ang educational assistance na naibigay ay suportang pang-edukasyon para sa mga pangangailangan ng mga PDL kagaya ng educational materials at equipment na gagamitin sa kanilang pag-aaral. Ang pamamahagi ng educational assistance ng DSWD sa mga PDL ay isang kasangkapan sa mga programa ng BuCor na mabigyan ang mga PDL ng pagkakataong makapag-aral at makabalik sa kanya-kanyang pamilya at komunidad bilang isang produktibong mamamayan. #BawatBuhayMahalagaSaDSWD Photo Credits: Bureau of Corrections (BuCor) Leyte Regional Prison (LRP)
HANDA NA ANG BAGONG TALAAN NG PAMILYANG NANGANGAILANGAN!
Handa na ang bagong talaan ng pamilyang nangangailangan! Ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan National Household Targeting Office (NHTO) inilunsad na ang Listahanan 3 upang magsilbing basehan sa pagpili ng mga karapat-dapat na maging benepisyaryo ng mga programa at serbisyo ng DSWD, ibang Ahensya ng Pamahalaan, at mga katuwang sa pagpapatupad ng mga serbisyong panlipunan. Samahan ang DSWD sa kampanya sa pagpapalawig ng paggamit ng Listahanan 3. Gamitin ang Facebook frame sa link na: https://twb.nz/dswdlistahanan3 Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa Listahanan 3, bisitahin ang opisyal na Facebook page ng Listahanan sa DSWD Listahanan o sa opisyal na website sawww.listahanan.dswd.gov.ph/. Dahil sa Listahanan, bawat bahay ay magkakasama sa kaunlaran! #BawatBuhayMahalagaSaDSWD#DSWDListahanan3#BawatBahayMagkakasamaSaKaunlaran
Maaari Nang Magamit ang mga Datos ng Listahanan 3!
Maaari nang magamit ang mga datos ng Listahanan 3! Inilabas ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan National Household Targeting Office (NHTO) ang Listahanan 3 upang magsilbing basehan sa pagpili ng mga karapat-dapat na maging benepisyaryo ng mga programa at serbisyo ng DSWD, ibang Ahensya ng Pamahalaan, at mga katuwang sa pagpapatupad ng mga serbisyong panlipunan. Kilalanin ang mukha ng mahihirap na Pilipino sa buong bansa sa: www.listahanan.dswd.gov.ph/listahanan3/ Dahil sa Listahanan, bawat bahay ay magkakasama sa kaunlaran! #BawatBuhayMahalagaSaDSWD#DSWDListahanan3#BawatBahayMagkakasamaSaKaunlaran
Pamilya Ortecio: Larawan ng tagumpay
Taong 2022, isa ang Pamilya Ortecio ng Mondragon Northern Samar na nag-graduate o nag-exit mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) . Para sa mag-asawang Pablo at Susan, naging malaki ang tulong ng programa upang maiangat ang estado ng kanilang pamumuhay. Pagsasaka ang naging pangunahing pinagkikitaan ng pamilya. Pinapasok din ni Pablo ang pagiging karpintero upang mayroon ng dagdag kita. Si Susan naman kung minsan ay nagtitinda ng mga pagkain at abala sa gardening upang matulungan ang asawa sa mga araw-araw nilang pangangailangan. Ngunit kahit anong pagsisikap, sila ay naghihirap pa rin. Naibahagi ni Susan “Napakahirap ng walang pinagkikitaan, kahit gusto mong ibigay ang pangangailangan ng bata lalo na sa pagkain ay hindi mo magawa dahil wala kang pera, masakit sa kalooban ko pero wala akong magawa”. Taong 2008, naging 4Ps beneficiary ang Pamilya Ortecio. Naramdaman ng pamilya na ang Programa ang tutulong sa kanila upang makaahon mula sa kahirapan. Ginamit ni Susan ang cash grant ng maayos. Inuna nila ang pangangailangan ng kanilang mga anak partikular na sap ag-aaral ng kanilang dalawang anak. Kung mayroong extra ay kanila itong itinatabi bilang savings sa panahon ng emergency at para na rin sa kanilang puhunan para sa pagpapatayo ng sari-sari store. Ibinahagi rin ni Susan na marami siyang natutunan mula sa Focus Development Sessions na kanyang nai-apply sa pagpapabuti ng kanyang pamilya. Natutunan niya ang family relationship, livelihood, financial literacy at pagiging self-reliant. Naging mapalad din ang Pamilya Ortecio na makapag-avail ng capital seeds mula sa Dunganon microfinance at employment facilitation. Dahil sa kanilang patuloy na pagsusumikap at alalay ng Pantawid Pamilya Pilipino Program, napagtapos ng mag-asawang Pablo at Susan Ortecio ang kanilang panganay na anak si Evelyn mula sa kolehiyo samantala ang kanyang bunsong anak na si Maricel ay nakapagtapos ng senior highschool. Sa kasalukuyan, isang private tutor si Evelyn. Mayroon na ring sari-sari store ang Pamilya na napagkukunan nila ng araw-araw na kita. Maituturing ng pamilya na kaya na nilang tumayo sa sariling mga paa kung kaya’t masaya silang nag-graduate mula sa programa. Ang DSWD ay nagpapatupad ng graduation at exit procedures sa ilalim ng Convergence Framework at ng 4Ps Kilos Unlad framework na naka-angkla sa DSWD Social Case Management Strategy. Bago mag-graduate ang Pantawid household-beneficiaries, sila ay dumaan sa assessment at nasuri na sila ay napabilang sa Level 3 o “Self-Sufficient” na mga benepisyaryong may kakayanang tugunan ang kanilang pangunahing pangagailangan kagaya ng pagkain, edukasyon, tirahan, pananamit at iba.
Handa ang DSWD FO VIII na rumesponde anumang sakuna na kakaharapin ng rehiyon sa mga susunod na araw, lalo na sa banta ng Low Pressure Area na matatagpuan sa 750km silangan ng Borongan City ayon sa 3pm update ng PAG-ASA.
40,088 Family Food Packs (FFPs) at 14,492 Non-Food Items (NFIs) ang nakahanda at nakalagak sa iba’t ibang warehouse sa buong rehiyon bilang bahagi ng tugon ng pamahalaan sa posibleng epekto sa mga indibidwal at pamilya ng kalamidad. #MaagapAtMapagkalingangSerbisyo#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
PRESS RELEASE- IMPLEMENTATION OF SOCIAL PENSION PROGRAM IN EASTERN VISAYAS
Narito ang ilan sa mahalagang impormasyon para sa publiko hinggil sa implementasyon ng Social Pension Program:1. Walang membership fee o bayad upang maging potensyal na benepisyaryo ng programa. Potensyal na benepisyaryo ang lahat ng aplikante sapagkat sila ay dadaan sa masusing balidasyon kung kwalipikado ayon sa eligibility requirement ng programa. Ang balidasyon ay ginagawa ng mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasama ang ating lokal na pamahalaan.2. Binibigyang diin na walang organisasyon ang otorisado na mangolekta ng bayad para sa aplikasyon na maging Social Pension beneficiaries.3. Para sa karagdagang Social Pension na Php500.00 sa bisa ng Republic Act No. 11916, ito ay maipapatupad lamang kapag na-aprubahan na ang Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 11916. Samakatuwid, hindi pa ipinapatupad ang Php500.00 na karagdagang social pension sa kasalukuyan. Anumang pagbabago sa implementasyon ng mga programa ay aming ipababatid sa publiko. Hinihikayat ng ahensya ang publiko lalong-lalo na ang mga senior citizens o ang kanilang pamilya na patuloy na makipag-ugnayan sa ahensya, sa DSWD provincial offices at iba pang kabalikat na ahensya kagaya ng City o Municipal Government, City/Municipal Social Welfare and Development Offices (C/MSWDOs), Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA), at Barangay Senior Citizens Affairs (BSCA) para sa iba pang katanungan ukol sa programa. Antabayanan ang mga updates sa DSWD Field Office VIII official Facebook page: DSWD Eastern Visayas at sa DSWD Field Office VIII official website: https://fo8.dswd.gov.ph/
PAANO MAKASALI SA 4Ps? KAILANGAN BA MAG-APPLY PARA MAKASALI?
Hindi inapplyan ang 4Ps. WALANG APPLICATION PROCESS ANG PANTAWID PAMILYANG PILIPINO PROGRAM (4Ps). Bagkus, ayon sa batas (Republic Act 11310, Section 5 at 6) ang sambahayan ay dapat na matukoy na kabilang sa mahihirap o “poor” sa talaan ng pamilyang dumaan sa pagsusuri na isinagawa ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) o Listahanan. Listahanan ang nagiging basehan ng DSWD sa pagpili ng potensyal na benepisyaryo ng 4Ps. LAHAT BA NG NA-INTERBYU SA LISTAHANAN AY AWTOMATIKONG MAPAPABILANG NA SA 4Ps? Ang inisyal na listahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps ay nagmumula sa datos ng Listahanan subalit ang pinal na listahan ng nasabing programa ay nakadepende sa kwalipikasyon ayon sa mga alituntunin ng 4Ps. Ang National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) o Listahanan ay isang information management system na tumutukoy kung sino at nasaan ang mga mahihirap sa bansa. Ang Listahanan ay sistema na nagpapakita ng database ng mga mahihirap na pamilya. Ito ang nagiging basehan ng national government agencies at iba pang social protection stakeholders sa pagtukoy ng mga potensyal na benepisyaryo ng social protection programs. Ang 4Ps ay isa lamang sa iba’t ibang programa ng DSWD na gumagamit ng datos mula sa Listahanan. Anu-ano ang mga alituntunin o criteria ng 4Ps? Muling tandaan na nag 4Ps ay may sariling criteria sa pagpili ng beneficiary kung kaya hindi garantisado na mapapabilang ka sa 4Ps kahit ikaw ay nasa Listahanan. Isinasagawa ang “eligibility check routine” upang masiguro na karapat-dapat ang isang sambahayan bilang benepisyaryo ng 4Ps base sa mga sumusunod na batayan: Natukoy bilang mahirap o “poor” sa isinagawang enumerasyon ng Listahanan; Mayroong 0-18 taong gulang na miyembro; Mayroong buntis na miyembro sa panahon ng enumerasyon; at Sumasang-ayon na susunod sa kanilang mga sinumpaang tungkulin o responsibilidad bilang benepsiyaryo ng 4Ps