Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Office VIII at sa pakikipagtulungan sa Philippine Veterans Bank (PVB), ay nagsimulang mamahagi ng mga conditional cash grants sa mga benepisyaryo ng programa kahapon Oktubre 18, 2018.

Kalakip sa nasabing grants o ayuda para sa mahigit 48,805 na benepisyaryo sa ilalim ng 4Ps Regular Conditional Cash Transfer (RCCT) at 17,780 na pamilya sa Modified Conditional Cash Transfer (MCCT) sa Lalawigan ng Leyte, ay para sa buwan ng Pebrero hanggang Hulyo 2018 (Period 1-3).

Samantala, ang ilang mga benepisyaryo ng MCCT, lalo na sa mga taga-Dulag at Tolosa, ay nabigyan na ng ayuda para sa buwan ng Pebrero hanggang Mayo 2018 (Period 1-2) at makatatanggap pa ng grants para sa Hunyo at Hulyo 2018 (Period 3) na kasalukuyan pang pinoproseso sa national level.

Hinihikayat ang mga benepisyaryo na patuloy na makipag-ugnay sa nakatalagang City at Municipal Links para sa kani-kanilang mga payout schedules at iba pang mga katanungan kaugnay sa pagpapatupad ng programa.

Ang 4Ps ay isang programa na patuloy na ipinatutupad ng pambansang pamahalaan na namumuhunan sa mga tao sa pamamagitan ng pagtiyak na ang 0-18 taong gulang na mga bata mula sa mga mahihirap na pamilya base sa talaan ng DSWD Listahanan, ay lalaking may maayos at malusog na pangangatawan at nakakapag-aral.

Patuloy na nagsusumikap ang DSWD na mapahusay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program upang matiyak ang pagsunod ng mga benepisyaryo sa mga kondisyon ng programa at upang pangasiwaan ng maayos ang pamamahagi ng mga conditional cash grants, lalo na para sa mga pangangailangan ng mga bata. #DSWDMayMalasakit