Habang naghahanda at naghihintay ng mga iskedyul ng payout, ang mga kawani at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay kasalukuyang abala sa pagtulong sa COVID-19 relief operations ng kani-kanilang lugar o Lokal na Pamahalaan.

Kamakailan lamang sa Silago, Southern Leyte, ang mga 4Ps field staff at benepisyaryo sa pamumuno ng kanilang Municipal Link na si Arvin Retana ay aktibong tumulong sa Municipal Social Welfare and Development Office na tapusin ang kanilang unang batch ng pamamahagi ng relief sa mga indigent na PUM at mga PUI na kinilala ng Rural Health Unit.

Kasama sa mga naibigay na relief ang 15 kilong bigas, 15 lata (sardinas, corned beef, beef loaf), asukal, asin, cooking oil, sabong panlaba o panlinis, at sabon panligo.

Ang pamamahagi ng mga relief packs ay maingat na isinagawa at ang mga kasali ay mahigpit na sumunod sa paalala ng DOH na palaging pagsusuot ng mga face masks at pagsisigurado sa physical distancing.

Ibinahagi ni ML Retana na dapat nilang tulungan ang mga kapartner na LGU sa anumang paraan upang mas madaling maipaabot ang tulong sa mga nangangailangan. Naniniwala sila na magkasama tayong makakaligtas sa COVID-19 pandemic kung magtutulungan tayo.

Bukod pa rito, ang 4Ps sa pamamagitan ng Family Development Sessions (FDS) ay nagtuturo at humihikayat sa mga benepisyaryo nito na maging aktibong mamamayan na nakiki-bahagi sa pagpapabuti at pagpapa-unlad ng komunidad at ng buong bayan.

Ang mga susunod target na mabigyan ng relief goods ay ang lahat ng mga sektor kabilang ang mga magsasaka, mangingisda, benepisyaryo ng 4Ps, senior citizens, at mga taong may kapansanan.

Samantala, ang iba pang 4Ps Municipal Operations Offices kasama ng kanilang mga benepisyaryo ay patuloy na tumutulong sa kani-kanilang mga lungsod at munisipyo sa pag-repack ng mga relief goods.

Ang 4P ay isang programa ng pambansang pamahalaan na pinangungunahan ng DSWD at may layuning mamuhunan sa kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0-18 taon mula sa pinakamahihirap na pamilya. Kasalukuyang sumusuporta ang programa sa 279,106 na aktibong benepisyaryo sa Eastern Visayas Region.