Sa Brgy. Balud, Tanauan, Leyte, masayang ibinahagi ng isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na si  Clarisa Modesto mula sa pamilya ng mga magsasaka ang tungkol sa kanilang mga pananim na nakatulong upang hindi sila magutom lalo ngayong may malawakang sakuna dulot ng Corona Virus o COVID19.

Binigyang-diin ni Clarisa na walang magugutom lalo na kung marunong magtanim. Sabi pa nga niya, “Dahil kapag ikaw ay nagtanim, tiyak na mayroon kang aanihin.  Sa oras ng mga sakuna o krisis, ikaw ay mayroong makakain.”

Kaya naman lubos ang kanyang pasasalamat sa 4Ps at sa kanilang Municipal Link sa pagtuturo sa kanila ng gardening sa Family Development Sessions (FDS). Ang kaalaman na ito ay kanilang pinahalagahan at inaksyunan.

Dahil sa gardening o pagtatanim, hindi sila nahihirapang maghanap ng mga gulay at mga sangkap sa pagluluto. Habang namumunga ang kanilang mga pananim, malaking grasya daw itong maituturing.

Sa kabilang dako sa Brgy Zone 6, San Roque, Northern Samar, ang grupo naman na pinangungunahan ni 4Ps parent leader Brenda Enero, kamakailan ay nag-ani ng ilang mga talong, pechay, at sitaw mula sa kanilang communal garden. Ngayon ay mayroon silang masustansiyang pagkain sa kanilang mga mesa at sila din ay kumita ng halos Php660 mula sa pag-bebenta ng ilan sa kanilang mga pananim.

Si Brenda ay matiyagang nagsisikap para sa kanyang pamilya at sa kanilang komunidad. Siya ay gumigising ng maaga upang asikasuhin ang kanilang garden at sa buong araw naman ay nagtratrabaho bilang isang Barangay Health Worker. “Walang mangyayari kung wala kang gagawin at panay reklamo lang. Maging positibo tayo. Sa kabila ng kahirapan, laging may pag-asa. Patuloy tayong magsumikap, maging madiskarte sa buhay, at maging busy” ayon kay Brenda. #DSWDKalingaAtPagmamahal #DSWDMayMalasakit @dswdserves @Department of Social Welfare and Development